November 2, 2024

Magnanakaw nakorner nang mahulog sa bubong


KULONG na, nabalian pa ng binti ang isang hinihinalang magnanakaw matapos mahulog sa bubong ng isang junk shop habang tumatakas sa Valenzuela City.

Kinilala ni Valenzuela Police Sub-Station 2 commander P/Major Randy Llanderal ang naarestong suspek bilang si Wilmer Ocena, 34, ng Barangay Gen. T. De Leon na nahaharap sa kasong two counts of robbery with force upon things.

Batay sa report ni Station Investigation Unit (SIU) chief PLt Robin Santos kay Valenzuela police chief Col. Salvador Destura Jr, madaling araw nang magising ang 19-anyos na babaeng biktima dahil sa narinig na ingay mula sa bubong ng junk shop ng kanyang kapitbahay sa Que Grande St., Barangay Gen. T. De Leon.

Nang tignan, naaktuhan ng biktima ang suspek sa taas ng bubong na bitbit ang kanyang cellphone at umano’y iba pang mga ninakaw habang papatakas subalit, nahulog ito at nagtamo ng bali sa kanang paa.

Kaagad humingi ng tulong ang biktima sa mga barangay tanod na sina

Elmer Artega at John Renan Mauricio, at sa SS2 na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek na isinugod sa Valenzuela Medical Center at matapos magamot ay agad din pinalabas.

Lumabas sa ocular inspection ng pulisya, dumaan ang suspek sa bubungan gamit ang bareta para makapasok sa junk shop saka dumaan naman sa bintana papasok sa bahay ng biktima na nasa tabi ng junk shop.

Nakumpiska sa suspek ang cellphone ng biktima na nasa P15,000 ang halaga, isang tire wrench na nasa P400 ang halaga at assorted copper na nagkakahalaga sa P350 na kinuha niya mula sa junk shop.