November 3, 2024

COMELEC: PAGHAHANDA SA BARANGAY AT SK ELECTIONS, HINDI MASASAYANG (Kapag ipinagpaliban)

TINIYAK ni Comelec Spokesperson John Rex Laudiangco na walang masasayang sa pinaghandaan ng komisyon sakaling lagdaan ni Pangulong Bongbong Marcos ang ipinasang batas ng Kongreso at Senado na muling pagpapaliban ng halalan ng Barangay at Sangguniang Kabataan.

Sa Kapihan sa Manila Bay, nilinaw ni Atty. Laudiangco na bagama’t handa na ang Comelec para sana sa nakatakdang December 5, 2022 Barangay at SK elections, igagalang nito ang desisyon ni Pangulong Marcos.

Idinagdag pa ni Laudiangco na lahat ng gagamiting parapernalya na naipagawa na ng Comelec ay maaari din namang magamit sa Oktubre 2023 sakaling maisabatas ang pagpapaliban nito.

Ayon kay Laudiangco, nasa 80 percent na ang kahandaan ng Comelec kung kaya walang dapat na alalahanin kung ipagpaliban man para sa susunod na taon at nabili na din ang halos lahat ng gagamitin sa halalan.

Subalit, dahil sa pagpapaliban, kakailanganin ang dagdag pondo na P10 bilyon para sa mga karagdagang botante at poll workers.

Aniya, isinusulong din ng Comelec ang karagdagang 20 percent sa honoraria ng mga guro, matapos i-veto ni Pangulong Bongbong Marcos ang tax exemptions ng mga ito.

Kung lalagdaan ni Pangulong Marcos Jr., ang panukala ng kongreso, ito na raw ang ikatlong postponement mula noong 2018, ayon kay Laudiangco.

Idinagdag pa nito na ang pagpapaliban ay hindi naman itinuturing na banta sa demokrasiya. MRP