January 23, 2025

Shabu, baril, nasabat sa Malabon buy bust, 3 kalaboso

PHOTO: MALABON CITY POLICE STATION/FB

KULUNGAN ang kinasadlakan ng tatlong na hinihinalang drug personalities matapos masakote sa magkahiwalay na buy bust operation ng pulisya sa Malabon City.

Ayon kay Malabon police chief Col. Albert Barot, dakong alas-11:45 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement (SDEU) sa ilalim ng pangangasiwa ni PLt Alexander Dela Cruz ng buy bust operation sa Pampano St., Brgy. Longos kung saan isang undercover police ang nagawang makipagtransaksyon ng P500 halaga ng droga sa kanilang target na si Henry Gososo, 42, ice vendor.

Matapos tanggapin ang marked money mula police poseur buyer kapalit ng isang sachet ng droga ay agad sinunggaban ng mga operatiba si Gososo, kasama ang kanyang kasabwat na si Manor Reyes alyas “Beng”, 54, car painter.

Ani PMSg Randy O Billedo, nakumpiska sa mga suspek ang aabot 7.05 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price P47,940 habang ang isang cal. 9mm na may magazine na kargado ng limang bala, buy bust money, weighing scale, gunting, pocket notebook at motorsiklo ay nakuha kay Gososo.

Dakong alas-3 naman ng madaling araw nang madakma din ng kabilang team ng SDEU ng Malabon police sa buy bust operation sa P.Aquino Avenue, Brgy Tonsuya si Rolly Espinueva alyas “Buboy”, 38, (pusher/listed).

Nagkaroon naman ng pagkakataon na makatakas ng kasabwat nito na si Ailene Dacut, 33, tangay ang P500 buy buy bust money matapos pumalag sa mga operatiba si Buboy habang inaaresto. Nakuha kay Buboy ang humigi’t kumulang 8.70 gramo ng hinihinalang shabu na nasa P59,160 ang halaga.

Ayon kay PSSg Jerry Basungit, nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act ang mga suspek habang karagdagang kasong paglabag sa RA 10591 ang kakaharin ni Gososo.