January 23, 2025

OPERATOR, 7 PA TIMBOG SA ONLINE SABONG

INARESTO ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang isang ‘online operator’ at pitong mananaya nang lusubin ang isang iligal na online sabong operation sa loob ng isang palengke sa Tondo, Maynila nitong Sabado ng gabi.

Kinilala ang mga nadakip na sina Jayvee Mingoy, 21, binata, online sabong operators at nakatira sa  No. 1601 Int. 21, F. Varona St., Brgy 80, Zone 2, Tondo. 

Nadakip din ang mga mananaya na sina Bobby Hernandez, 41; Alexis Banares, 40; Jose Quinto, 51; Rosauro Exconde, 54; Rene Petallo, 52; John John Tambaon, 41; at Jeng Pascual, 37.  Karamihan sa kanila ay mga tindero at helper sa palengke na naaadik sa online sabong.

Sa ulat ng MPD-District Special Operations Unit, dakong alas-11 ng gabi nang kanilang salakayin ang isang puwesto ng iligal na online sabong sa loob ng Asuncion Public Market sa may Brgy. 1 Zone 1, District 1, Tondo nang magkasa sila ng SACLEO o ang Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation.

Dito nahuli sa akto ang mga suspek habang abalang-abala sa pagtaya sa ‘online sabong’ na ipinagbawal na ng pamahalaan.  Nakumpiska sa kanila ang nasa P1,930 halaga ng taya at iba’t ibang online sabong paraphernalia.

Dinala sa MPD-DSOU office ang mga suspek na nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 o Illegal Gambling.