December 26, 2024

3 timbog sa buy bust sa Caloocan, P238K shabu, baril, nasabat

NASA P238,000 halaga ng shabu at baril ang nasabat ng mga awtoridad sa tatlong hinihinalang drug personalities matapos masakote sa isinagawang buy bust operation sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni District Drug Enforcement Unit ng Northern Police District (DDEU-NPD) chief PLt Col. Renato Castillo ang naarestong mga suspek bilang sina Raymond Arcilla, 31, (listed), Glenn Dupang alyas “Bebe”, 33 at Ramil Montes, 53, pawang residente ng 3rd Avenue, Brgy. 118.

Ayon kay Castillo, dakong alas-9:30 ng gabi nang magsagawa ang kanyang mga tauhan sa pangunguna ni PSMS Michael Tagubilin ng buy bust operation sa harap ng bahay sa No. 197 BMBA, 3rd Avenue, Brgy. 118 kung saan isang undercover police ang nagawang makipagtransaksyon sa mga suspek ng P7,500 halaga ng shabu.

Matapos tanggapin ang marked money mula sa pulis na nagsilbi bilang poseur-buyer kapalit ng isang medium plastic sachet ng shabu ay agad sinunggaban ng mga operatiba ang mga suspek.

Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 36 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price P238,000.00, buy bust money na isang tunay P500 bill at 7 pirasong P1,000 boodle money at isang cal. 38 revolver na may dalawang bala.

Ani PCpl Elouiza Andrea Dizon, nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs act of 2002 at R.A 10591.