January 23, 2025

NCAA: GAMBOA NG MAPUA ETSAPUWERA NA SA LIGA

KAMBAL na dagok ng kapalaran ang inabot ng Mapua University ngayong NCAA Season 98 partikular sa isang manlalaro nito.

Ipinahayag na sa media ni National Collegiate Athletic Association Commissioner Tonichi Pujante na ang nakaraang laban sa pagitan ng Mapua Cardinals at San Beda Red Lions ay idineklara nang ‘forfeited”.

Dahilan aniya ng forfeiture ay ang pagpalaro ng Cardinals sa anila’y ineligible player na si Gab Gamboa, isang cross-enrollee mula St. Clare College of Caloocan sa naturang bakbakan.

Pinabigat pa ito ng pagpataw ng NCAA MANCOM kay Gamboa ng lifetime na ban sa liga.

“The ManCom after investigation found out that Mapua University (MU) player Mr.Gabriel Dan Gamboa who played last 10 September against San Beda University (SBU) where MU won, was ineligible to play,” ayon sa pahayag.

Naglaro si Gamboa ng 7 minuto 30 segundo sa panalo ng Cardinals, 66-55 kontra Red Lions.

Dahilan sa desisyon, umangat ang Red Lions sa 4-2 kartada habang dumausdos pababa ang Cardinals sa barahang 0-6. Ang Mapua Cardinals ay tumapos ng runner-upĀ  noong nakaraang NCAA Season na pinagharian ng kampeong Letran Knights.