December 25, 2024

3 MAGBABARKADA PINAGBABARIL NG 2 KAALITAN SA MALABON

SUGATAN ang tatlong magkakabarkada matapos pagbabarilin ng dalawang lalaking matagal na umano nilang kaalitan sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.

Kaagad na isinugod ng kanilang mga kaanak sa pagamutan ang mga biktimang sina Alfredo Garing, 58, Diosdado Lorenzo, 58, kapuwa residente ng Blk.4 Kadima, Brgy. Tonsuya at Dennis Llenado, 32, ng Letro Road, Kadima na pawang nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan.

Sina Llenedo at Garing ay kasalukuyang nakaratay sa Tondo Medical Center habang sa Philippine Orthopedic Center sa Quezon City naman inilipat si Lorenzo.

Ayon kay Malabon police chief P/Col. Albert Barot, pinapanood ni Garing ang paglalaro ng chess ng mga kaibigan sa Blk 4 Kadima dakong alas-11:30 ng gabi nang biglang dumating ang mga suspek na sina Alfredo Cruz, 37 ng Perez St. Brgy. Tonsuya at Marlon Garganta, 38 ng Sitio Ballot, Brgy. Tonsuya na kapuwa armado ng baril at niratrat ang mga biktima.

Sa kabila ng tinamong sugat, nagawa pang makatakbo ang mga biktima na dahilan upang tumakas na ang mga suspek patungo sa hindi nabatid na direksiyon.

Sinampahan na ng kasong frustrated murder ng pulisya ang mga suspek matapos mabigo ang kapulisan na madakip sila sa isinagawang follow-up operation.