November 5, 2024

Immigration aaksiyon vs ‘alien sexual predators’

TANGUB CITY, Misamis Occidental – Nangako si Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman G. Tansingco na kanyang gagawing prayoridad ang pag-aresto at pagpapa-deport sa mga sex offender na nambibiktima via online.

“These predators pose a serious threat to our women and children and there is no place for them here,” saad ni Tansingco.

Ito ang inilabas na pahayag ni Tansigco matapos bumagsak sa kamay ng mga awtoridad ang isang 64-anyos na British, na dati nang nakulong bilang sex offender, dahil sa umano’y pagpapatakbo ng isang child sex website sa Pilipinas.

Kinilala ang suspek na si Jhon Crotty na naaresto sa kanyang nirerentahan bahay sa Tangub City.

“The arrest followed after receiving official communication from British authorities informing us that Crotty became the subject of an Interpol green notice that was issued last Feb. 21,” saad ni BI Intelligence Chief Fortunato Manahan, Jr.

Iniimbestigahan din si Crotty dahil sa umano’y film piracy matapos na makakita ng mga ebidensya na namamahagi siya ng malalaswang larawan ng mga menor de edad na babaeng Pilipino sa kanyang website at social media accounts.

Naiulat na nakulong ang sex offender sa loob ng siyam na taon sa UK, ngunit lumipat dito sa Pilipinas matapos makalaya sa kulungan. Ang operasyon ay isinagawa nang pinagsanib na puwersa ng BI Fugitive Search Unit and Intelligence Division at Tangub City police.

Inilagay na si Crotty sa BI blacklist upang hindi na muling makapasok ng bansa.