January 23, 2025

PHILIPPINE AIR FORCE, NAKIBAHAGI SA EXERCISE PITCH BLACK 2022 SA AUSTRALIA; AIR BATTLE MANAGERS, FIRST-TIME IPADALA

UPANG palakasin ang kakayanan sa Air Campaign Planning at Air Battle Management, nakiisa ang Philippine Air Force (PAF) sa Exercise Pitch Black 2022 (PBK22) nitong ika- 19 ng Agosto hanggang ika-8 ng Setyembre sa Australia.

Sa pangununa ng Royal Australian Air Force, nasa 2,500 personnel at 100 aircraft ang nakilahok sa ehersisyong pangmilitar mula sa 17 bansa kabilang ang Pilipinas.

Nakibahagi rin ang mga Air Forces mula sa U.S., Australia, Canada, France, Germany, India, Indonesia, Japan, Malaysia, Netherlands, New Zealand, South Korea, Singapore, Thailand, United Arab Emirates at United Kingdom Forces.

Paliwanag ni Philippine Air Force spokesperson COLONEL MA CONSUELO CASTILLO PAF (GSC), ang Exercise Pitch Black ay pandaigdigang engagement activity ng Royal Australian Air Force sa mga kaalyadong bansa sa rehiyon. Ito ay upang palakasin ang mga pagsasanay sa mga tactical air activity.

Kabilang rin sa layunin ng PBK22 ang palalimin ang relasyon ng mga bansa lalo na sa usapin ng ugnayang pangmilitar at pandigma.

Samantala, ito rin ang unang pagkakataon na magpadala ang PAF ng Air Battle Managers sa Exercise Pitch Black.

“In 2016 and 2018, the PAF contingents were sent only as observers to Exercise Pitch Black. However, this is the first time that the PAF had actual participants as Air Battle Managers,” ani ni COL CASTILLO PAF (GSC) sa isang panayam noong ikalawa ng Setyembre.

Nakiisa rin at nag-obserba sa huling linggo ng ehersisyo sina LIEUTENANT GENERAL CONNOR ANTHONY D CANLAS SR PAF, Commanding General, at MAJOR GENERAL AUGUSTINE MALINIT PAF, Commander ng PAF Air Defense Command.

Sa pagkakataong ito, ang PAF Battle Managers mula sa 580th Aircraft Control and Warning Wing (ACCW) ang nanguna sa mga senaryong bahagi ng pagsasanay.

Tampok sa Exercise Pitch Black ang mga pagsasanay na may realistic at simulated threats na madalas makikita sa mga modern battle-space environment, saad ng Royal Australian Air Force.

Dagdag pa nila, oportunidad din ito para paunlarin ang mga pwersang militar gamit ang mga malalaking training airspace sa daigdig—ang Bradshaw Field Training Area and Delamere Air Weapons Range. Ibinahagi rin ni COL CASTILLO PAF (GSC) na inaabangan ng PAF ang mas marami pang “extensive participation” sa Exercise Pitch Black 2024 kung saan plano nilang ipadala ang FA-50 Light Combat Aircraft na ginamit noong giyera sa Marawi City noong taong 2017.