
Inaprubahan ng House of Representatives noong Lunes, Hunyo 9, ang House Bill No. 11287 na naglalayong palawigin ang termino ng panunungkulan ng mga halal na opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan mula sa kasalukuyang tatlong taon patungong anim na taon.
Sakaling maisabatas, ang panukala ay magreresulta sa muling pagreschedule ng barangay at SK elections, na orihinal na itinakda sa Disyembre 2025, patungong Mayo 2029.
Ayon sa panukalang batas, ang mga kasalukuyang barangay at SK officials na inihalal noong Oktubre 30, 2023, ay mananatili sa kanilang mga posisyon “hanggang sa ang kanilang mga kapalit ay opisyal nang nahalal at nakapanumpa,” maliban na lamang kung sila ay masuspinde o tanggalin sa tungkulin dahil sa wastong dahilan.
Tanging mga opisyal na nasa kanilang unang termino nang mahalal noong 2023 ang maaaring tumakbo para sa isa pang termino sa 2029. Sa ilalim ng panukala, maaari silang makapanungkulan nang tuluy-tuloy sa loob ng labindalawang taon kung muling mahalal.
Samantala, ang Senado ay nauna nang nagpasa ng sariling bersyon ng panukala — ang Senate Bill No. 2629 — noong Enero, na nagtatakda ng apat na taong termino para sa mga barangay at SK officials, na maaaring ma-reelect ng hanggang dalawang beses.
Ang mga salungatang probisyon ng dalawang panukala ay inaasahang pagtutugmain sa pamamagitan ng bicameral conference committee.
Ayon sa mga nagsusulong ng batas, ang pagpapalawig ng termino ay magbibigay ng mas mahabang panahon para maipatupad nang mas maayos at tuluy-tuloy ang mga proyekto at programa sa barangay level. Naniniwala umano ang mga mambabatas na hindi sapat ang tatlong taon upang makita ang mga konkretong resulta ng mga inisyatiba ng barangay.
Gayunman, may mga sektor at grupong tutol sa panukala. Ayon sa Legal Network for Truthful Elections (LENTE), ang muling pagpapaliban ng barangay at SK elections ay isang uri ng pagkitil sa karapatan ng taumbayan na pumili ng kanilang mga pinuno.
Binigyang-diin ng LENTE na naglabas na ng desisyon ang Korte Suprema na nagsasaad na hindi maaaring basta-basta ipagpaliban ang halalan nang walang sapat at makatwirang batayan.
Samantala, sinabi ni Senate President Chiz Escudero na patuloy pa rin ang layunin ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) na ituloy ang halalan sa Disyembre 2025.
Nakatakdang abangan ng publiko ang magiging resulta ng bicameral deliberation, at kung alin sa dalawang bersyon ng panukala ang mananaig — ang mas mahaba o mas maikling termino para sa mga barangay at SK officials.
More Stories
Sabong—Kultura at Kabuhayan, Huwag Isama sa Batas!
Villanueva Itinalagang Bagong Associate Justice ng Korte Suprema
MBHTE napuna ang mga maanomalyang transaksyon