December 24, 2024

HOUSE BILL (HB) 7034, MALAKING TULONG SA ATING MGA GURO

Kaugnay sa ating tinalakay nitong nakaraang araw mga Ka-Sampaguita tungkol sa ating mga guro; tila may naaninag tayong tulong para sa kanila.

Magandang balita para sa ating mga guro sa public schools ang layunin at isinusulong ng isang Congressman na bigyan ng P1,500 allowance kada-buwan. Aba, malaking tulong at ginhawa ito para sa kanilang magugugol sa internet para sa online learning.

Salamat sa Internet Allowance for Public School Teachers Act o House Bill (HB) 7034 na inihain ni Assistant Minority Leader at ACT Teachers Partylist Rep. France Castro; na ang kanyang hakbang ay nagpapakita lamang ng pagpapahalaga sa ating mga guro.

Kung matutuloy ang school year 2020-2021, magagamit ng mga titsers natin ang tulong pinansiyal sa blended learning program ng Department of Education (DepEd).

Sa pamamagitan nito, magiging maayos ang koneksyon sa internet ng mga guro na bahagi ng bagong pamamaraan ng pagtuturo sa mga mag-aaral.

Bukod pa rito, kakarampot lamang ang sahod ng mga guro sa mga pampublikong eskuwelahan; kapos para sa pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang mag-anak.

Kaya, mainam na alalayan sila ng pamahalaan sa pamamagitan ng dagdag allowance. Sa gayun, ang perang naisusubi nila para sa internet, maitatabi nila at magagamit sa iba pang pangangailangan.

Masyadong kawawa ang ating mga guro noong mga nagdaang panahon; o sa mga nagdaang administrasyon. Tila napabayaan.

Kung matatandaan, nasa P2, 000 P3,000 lang ang insentibo ng karamihan sa public school teachers sa loob ng apat na oras na pagtuturo.

Subalit ngayong kasalukuyang administrasyon, unti-unting natutukan ang pangangailangan ng mga guro. Ang sahod ng mga titser sa public schools ay nasa P20,000 at nasa P12,000 ang private.

Gayunman, kulang pa rin dahil sa mga gastusinl gaya ng upa sa bahay, bayad sa kunsumo sa  tubig at  kuryente, pagkain, biglaang gastos o emergency, pamasahe araw-araw kapag nagtuturo at bayad sa utang.

Kaya ang iba sa kanila ay naghanap at gumawa ng ibang paraan upang hindi kapusin; gaya ng pagtitinda ng tocino, longganisa, pahulugang pabango at damit, delicacies gaya ng pulburon, otap, donut, pastillas at iba pa.

Ang iba, napipilitan pang mangutang para makaraos— na kaakibat nito ay isinasangla ang kanilang ATM cards. Isa ngang kalunos-lunos na senaryo.

Sa ganang akin mga Ka-Sampaguita, mainam sana kung madadagdagan pa ang allowance ng mga guro. Karagdagang insentibo na aabot sa P2,000 o higit pa. Para sa mga pormularyo at modul na magagamit nila sa pagtuturo.

Umasa tayo na may biyaya pang darating para sa ating mga guro— ang ating pangalawang magulang. Sa gayun ay hindi sila maging kawawa. Ganahan silang magturo at masaya.

Palagay ko naman, ibibigay nila ang lahat ng makakaya upang mapabuti at maging epektibo ang bagong sistema ng pagtuturo.

Hiling natin na maipasa ang nasabing House Bill, na ipinanawagan din ng mga guro na ipagkaloob sa kanila. Adios Amorsekos.