January 8, 2025

House Bill 11252 inihain ni Salceda… PRANGKISA NG ABS-CBN BUBUHAYIN

Inihain ni House Committee on Ways and Means Chairman at Albay Representative Joey Salceda ang House Bill (HB) 11252, na naglalayong pagkalooban ng prangkisa ang ABS-CBN Corporation.

Sa kanyang explanatory notes sa HB 11252, na inihain nitong Enero 7, sinabi ni Salceda nais niyang mabigyan ang network ng prangkisa para makapagtayo, mag-operate at magpanatili ng television at radio broadcasting stations sa bansa.

Binigyang-diin nito na matapos na hindi ma-renew ang prangkisa ng ABS-CBN ay nasa labing-isang libong trabaho aniya ang nawala.

Mismong ang Securities and Exchange Commission at Bureau of Internal Revenue na aniya ang nagkumpirma na walang nilabag ang network sa ownership restrictions at walang nakabinbing tax liabilities.

Dagdag pa ng kongresista, naniniwala siya na ang malayang merkado ng mga ideya ay nangangailangan ng kompetisyon at hindi ito magagawa ng isang virtual monopoly.