November 24, 2024

Hontiveros nagbabala sa mga nagkalat na Facebook group na target ang mga bata

Naalarma si Senator Risa Hontiveros matapos madiskubreng maraming grupo sa Facebook ang binuo para mambiktima ng mga bata.

Ayon sa senador, may ilang public groups sa Facebook na may pangalang “Atabs” at “LF Kuya and Bunso” na nagpo-post ng imahe ng mga menor de edad para maka-attract ng mga predetor.

Aniya, ang mga abusadong ito ay ginagamit ang Facebook para makapag-advertise at makapagbenta ng litrato at videos ng mga menor de edad sa messaging apps tulad ng Telegram.

“Nakakasuklam at nakakagalit na may mga taong tahasang nang-aabuso sa ating kabataan. Gamit narin nila ang Facebook messenger or Telegram para mag-usap at magbenta ng libo-libong mga pictures at videos. Ang iba, gumagamit pa ng cloud storage tulad ng Mega dahil napakalaki ng volume,” ayon sa chairman ng Senate women and children committee.

“Bilang ina, mas lalo akong nangangamba sa seguridad ng ating mga anak sa internet. Kailangang maipasa na ang Anti-Online Sexual Abuse and Exploitation of Children (OSAEC) Law para tunay na mapanagot ang mga salarin at pati ang mga social media platforms at internet intermediaries na hinahayaang lumaganap ang kabastusang ito,” dagdag pa niya.

Si Hontiveros ang principal author at sponsor ng panukalang OSAEC law.

Nitong nagdaang linggo, ibinunyag din ng senadora ang Usapang Diskarte sa Facebook page at Youtube Channel, na nagtuturo sa kanilang mga subscriber na makipagrelasyon sa mga bata.

Agad naman nawala ang naturang page at channel sa Facebook at You Tube matapos manawagan ang senadora sa kanyang mga follower na i-report ang nasabing account.