September 20, 2024

Holdaper timbog sa Valenzuela

HIMAS-REHAS ang isang holdaper na gumilit sa leeg ng 25-anyos na biktima matapos masakote ng mga pulis sa Valenzuela City.

Kinilala ni Valenzuela City Station Investigation Unit chief PLt Armando Delima ang suspek bilang si Jay Guzman, 37, ng Valdez St., Paso De Blas.

Ayon kina police investigators PSSg Regimard Manabat at PSSg Laude Pillejera, si Allan Paul Gapusan ng Brgy. Bagbaguin, Caloocan City ay naglalakad sa kahabaan ng Maysan Road nang mula sa likod ay bigla na lamang hinablot ng suspek at tinutukan ng bread knife sa leeg saka nagdeklara ng holdap.

Nang sapilitang inaagaw ng suspek ang cellphone niya ay pumalag ang biktima na naging dahilan upang hiwain ng holdaper ang kanyang leeg bago mabilis na tumakas.

Kahit sugatan, hinabol ng biktima ang suspek habang humihingi ng tulong na nakatawag pansin sa mga bystander at agad inireport ang insidente kay PCpl Jomar Guiyab ng Sub-Station 9 at mga tanod ng Brgy. Maysan na malapit sa lugar na nagresulta sa pagkakaaresto kay Guzman.

Narekober sa suspek ang cellphone ng biktima na nasa P6,000 ang halaga at ang ginamit na bread knife.

Muli namang pinaalalahanan ni Valenzuela police chief P/Col Salvador Destura Jr, ang publiko na mag-ingat at maging mapagmatyag lalo na ngayong kapaskuhan na inaabangan ang pagdami ng mga krimen.

Kasong Robbery-holdup with physical injury, at paglabag sa Batas Pambansa (BP) -6 ang isinampa kontra kay Guzman sa Valenzuela City Prosectuor’s Office.