May 6, 2025

Holdaper, tiklo nang pumalag ang biniktimang sekyu sa Caloocan

HULI ang isang holdaper nang pumalag at magawa pa siyang madisarmahan ng biniktimang security guard na may pagsasanay sa pagtatanggol sa sarili sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.

Kasong paglabag sa Robbery Hold-Up, paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Election gun ban ang isinampa ng pulisya laban sa suspek na si alyas “Ungas”, 29, ng Brgy., 20, sa piskalya ng Caloocan City.

Sa ulat ni Calooan Police Chief P/Col. Paul Jady Doles kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Josefino Ligan, pauwi na mula sa kanyang duty ang sekyu na si Vicente Gaviola, 43, nang mula sa likuran ay tutukan siya ng baril ng suspek at magdeklara ng holdap dakong alas-4:30 ng madaling araw sa harapan ng Royale Moto Club sa 10th Avenue.

Binantaan pa ng suspek ang biktima na huwag lilingon at papalag kung ayaw niyang mamatay subalit sa halip na masindak, ginamit ni Gaviola ang natutunan sa pagsasanay bilang sekyu na dahilan upang maagaw niya ang armas at mapadapa ang suspek.

Humingi na rin ng tulong ang biktima sa mga bystander sa lugar na sila namang nag-ulat ng insidente sa nagpapatrulyang mga tauhan ng East Grace Park Police Sub-Station 2 na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.

Nakumpiska sa suspek ang isang hindi lisensiyadong kalibre .38 revolver na kargado ng isang bala.