December 27, 2024

Holdaper ng taxi, arestado sa Valenzuela

SWAK sa kulungan ng isang 43-anyos na lalaki matapos holdapin ang isang taxi driver at ikandado pa sa compartment ng sasakyan sa Valenzuela City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura Jr ang suspek bilang si Carlos Tamayo, resident ng Purok 5, San Agustin, Hagonoy, Bulacan.

Sa pahayag ng taxi driver na si Roldan Nabiong, 39, ng Novaliches, Quezon City kay Station Investigation Unit chief PLt Armando Delima, nagpanggap na pasahero ang suspek at sumakay sa kanyang taxi sa McArthur Highway, Brgy. Potrero, Malabon City at nagpahatid sa Barangay Maysan, Valenzuela City.

Pagsapit sa S. Marcelo St., Brgy. Maysan dakong alas-4 ng madaling araw bigla na lamang sinakal ng suspek at tinutukan ng patalim ang biktima sabay nagdeklara ng holdap saka kinuha ang P400 cash ng taxi driver.

Matapos nito, kinandado ng suspek ang biktima sa compartment ng taxi subalit, nagawa niya itong mabaklas saka tumalon sabay takbo.

Kaagad namang nakahingi ng tulong ang biktima sa mga nagpapatrolyang mga tauhan ng Sub-Station 9 na sina PCpl Rayan Villanueva PCpl Edison Ong na nagresulta sa agarang pagkakaaresto sa suspek.

Ani Station Investigation and Detective Management Branch chief  PLt Robin Santos, narekober sa suspek ang kinuhang P400 cash, kitchen knife, at taxi cab (WCO-460) ng biktima.

“Simula pa lang po ng bermonths, I have already ordered the station commanders to intensify police visibility in their areas kasi ineexpect na po namin na tataas ang bilang ng krimen, habang papalapit na ang kapaskuhan kaya ibayong pag-iingat po ang aming ipinapayo sa lahat,” ani Col. Destura

Si Tamayo ay sinampahan ng kasong robbery with threats and intimidations, R.A. 10883 o ang new anti-carnapping act of 2016, at paglabag sa B.P. 6 (illegal possession of deadly weapon) sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.