NADAKIP ng pulisya ang umano’y pinakalider ng gang na sangkot sa panghoholdap sa isang vape shop sa Valenzuela City, sa isinagawang manhunt operation sa Pasig City, kamakalawa ng hapon.
Sa bisa ng warrant of arrest na inilabas noong Enero 22, 2024 ni Valenzuela Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Orven Kuan Ontalan ng Branch 285, dinakip ng mga tauhan ni Valenzuela Police Chief P/Col. Salvador Destura, Jr, ang akusadong si Brix Llamas, residente ng Binangonan, Rizal, na kabilang sa Top 10 Most Wanted Person ng lungsod, sa Brgy. Pinagbuhatan, Pasig City.
Si Llamas at isa pang akusado ang umarkila ng ginamit na sasakyan nang isagawa ang panghoholdap sa isang vape shop na pag-aari ng mag-siyota sa Del Rosario St. Brgy Marulas noong Disyembre 5, 2023 kung saan natangay nila ang may P2.4 na halaga ng cash at mga produkto.
Sa ginawang follow-up operation ng mga tauhan ng Station Intelligence Section (SIS) ng Valenzuela police, naaresto rin kaagad sina alyas Hermoso, 37, Gascon, 38, at Fresto, 32, matapos matunton sa pamamagitan ng Global Positioning System (GPS) ng inarkila nilang sasakyan, sa tulong na rin ng may-ari nito, at nabawi ang P304,800.00 halaga ng produkto.
Itinuro nila sa Llamas na umano’y may pakana sa panloloob na naging daan upang maglabas ng arrest warrant ang hukuman na may inilaang piyansang PP100,000.00 para sa pansamantalang paglaya.
Ayon kay Col. Destura, ang grupo rin ng mga akusado ang itinuturong nangholdap sa isa ring vape shop sa Sta Ana, Maynila at tumangay sa P1.8 milyong halaga ng produkto at salapi noong Agosto ng nagdaang taon. (JUVY LUCERO)
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA