June 7, 2025

Holdaper, arestado sa mabilis na pagresponde ng kapulisan sa Malabon

TIMBOG kaagad isang holdaper na tumangay sa bag ng babaing customer ng isang sikat na food chain nang tugisin ng mga nagrespondeng pulis sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.

Nabawi ng mga tauhan ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan sa suspek na si alyas “Adriane” 33, walang hanapbuhay at residente ng Shell House, Brgy. 12, Caloocan City ang tinangay na bag sa biktimang beautician na si alyas “Michelle”, 31, pati na ang gamit na patalim,  matapos madakip sa follow-up operation dakong alas-8:20 ng umaga.

Sa report ni Col. Baybayan kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Josefino Ligan, nasa loob ng Jollibee Fast Food sa C-4 Road, Brgy. Longos ang biktima at bumibili ng chicken joy dakong alas-4:45 ng madaling araw nang tutukan ng patalim ng suspek.

Puwersahang tinangay ng suspek ang bag ng biktima na naglalaman ng cash na P9,920.00, ID, at personal na mga gamit, bago mabilis na tumakas sakay ng isang pampasaherong jeep.

Nakahingi naman ng tulong sa mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 5 ang babaing guwardiya ng Jollibee na agad namang nagsagawa ng follow-up operation, kasama ang biktima na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.