January 21, 2025

Hirap magbasa protektahan sa bullying – Gatchalian

Isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang mahigpit na pagpapatupad ng Anti-Bullying Act of 2013 (Republic Act No. 10627) upang masugpo ang nakakaalarmang bilang ng mga insidente ng bullying sa mga paaralan, bagay na nakakaapekto sa pag-aaral ng mga kabataan.

Sa isang pag-aaral ni De La Salle University Professor Dr. Allan Bernardo, binigyang diin na dapat kasabay ng pag-angat sa kalidad ng edukasyon ang pagtutok sa kaligtasan at kapakanan ng mga paaralan at mga mag-aaral. Ayon sa kaniyang pagsusuri ng datos mula sa 2018 Programme for International Student Assessment (PISA), mataas ang exposure sa bullying ng mga itinuturing na poor readers. Mababa rin ang sense of belonging ng mga mag-aaral na ito, ayon sa pag-aaral.

Kung ihahambing sa mga mag-aaral sa 78 pang bansa na lumahok sa PISA, ang mga mag-aaral na Pilipino ang may pinakamaraming karanasan ng bullying. Lumalabas na 65% sa mga Pilipinong mag-aaral na 15 taong gulang ang ilang beses nang nakaranas ng bullying sa loob ng isang buwan. Lumalabas din sa resulta ng PISA na kung ihahambing sa mga hindi nakaranas ng bullying, mas mababa ng 56 puntos ang marka sa Reading ng mga mag-aaral na nag-ulat na may banta sa kanilang kaligtasan.

Binigyang diin ni Gatchalian ang mahalagang papel ng Child Protection Committee (CPC) sa mga paaralan upang masugpo ang bullying. Sa ilalim ng DepEd Order No. 55 s. 2013 o ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng anti-bullying law, responsibilidad ng CPC na tugunan ang mga kaso ng bullying sa mga pampubliko at pribadong mga paaralan. Ayon kay Gatchalian, dapat tiyakin ng DepEd na may CPC ang bawat paaralan alinsunod sa orihinal na mandato ng DepEd Order No. 40 s. 2012.

Kailangan din aniyang pag-aralan nang maigi ang proseso sa ilalim ng DepEd Order No. 55, kabilang ang fact-finding, documentation, at disciplinary measures, kung ang mga ito nga ay gumagana sa lahat ng mga paaralan. Kaakibat nito ang responsibilidad ng mga mag-aaral, kanilang mga magulang, at school staff.

“Kasabay ng pag-angat sa kalidad ng edukasyon ang pagtiyak sa kaligtasan ng ating mga paaralan at mga mag-aaral. Kung nais nating matiyak na magiging mahusay ang ating mga mag-aaral, mahalagang masugpo natin ang bullying at matiyak nating ligtas na espasyo ang ating mga paaralan,” ani Gatchalian.