November 2, 2024

HINULING DELIVERY RIDER NA NAGBANTA KAY BBM MISTAKEN IDENTITY (Kaanak nagpaliwanag)


NANAWAGAN
ang kaanak ng dinakip na delivery rider na si Micheal Go na maling tao ang hinuli ng mga awtoridad dahil kapangalan lang umano ito ng totoong nag-post ng pagbabanta kay presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Sa Facebook post ni Elaine Go, kapatid ng nahuling delivery rider, masama ang kanyang loob dahil sa kumalat na ang mukha ni Michael sa social media kahit na hindi pa napapatunayan na siya nga ang nagbanta kay Marcos.

Ibinahagi ni Elaine ang mga ebidensya na magpapatunay na hindi ang kapatid niya ang nagbanta kay BBM.

Isa na dito ay ang pagpo-post ng Twitter account na @activistblogger kahit na nasa kustodiya na ng mga otoridad ang kapatid niya.

Malayong malayo din daw ang mukha ng kanyang kapatid sa tunay na Michael Go.

Ipinakita din ni Elaine ang tunay na account ni @activistblogger sa Facebook at mapapansin na magkapareho nga ang mga litrato na gamit ng nasabing Facebook user at ng suspek.

Matapos mag-viral ang post ni Elaine ay nagpalit na bigla ng profile picture at pangalan ang nasabing Michael Go sa Facebook.

Mapapansin na halos magkapareho nga ang ginagamit na larawan ni Mike Go at ni @activistblogger.

Makikita rin sa deleted Twitter account nito na namumundok ang suspek habang ang Mike Go sa Facebook ay nagpakilalang mountaineer at “human rights advocate”.

Sa ngayon ay wala pang pahayag ang QCPD kung sablay nga ba ang hinuli nilang tao.

Matatandaan na hinuli ang nasabing delivery rider nitong Abril 1 at sa panayam sa kanya ng media ay sinabi niya na hindi siya ang may-ari ng nasabing Twitter account.

“Hindi po aking account iyan kasi wala po akong Twitter account at yung FB account ko naman po ay hindi Michael Go kundi binaliktad kong pangalan na Leahcim Og,” ani Go.