ARESTADO ang isang karpintero nang tangkain tagain sa ulo ang kanyang kapitbahay makaraang magalit ang suspek nang hindi pinagbigyan na kantahin sa videoke ang paborito niyang kanta sa Malabon City, kamakalawa gabi.
Lumabas sa imbestigasyon nina P/SSg. Bengie Nalogoc at P/SSg. Michael Oben, kasama ng biktimang si alyas “Michael”, 42, ang kanyang mga kaanak na nag-iinuman at nagkakantahan sa kanilang lugar sa No. 3 White Lily St. Araneta Village, Brgy. Potrero nang dumating ang suspek na si alyas “Reynaldo”, 45, dakong alas-9:30 ng gabi at humirit na kantahin niya ang paborito niyang kanta.
Gayunman, hindi pinagbigyan ng biktima ang hiling ng kapitbahay na naging dahilan upang magalit ito saka umalis at nang bumalik ay may bitbit na ang suspek na isang jungle bolo at agad pinuntiryang tagain sa ulo si ‘Michael’ na nagawa namang makailag.
Nagtatakbo ang biktima at humingi ng tulong kina Dionisio Soriano at Estevan Arevalo, kapwa tanod ng Brgy. Potrero, P/SSg. Emerson Pedrasta at Pat. Jeffrey Baluyan ng Malabon Police Sub-Station 1 na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek at nakuha sa kanya ang ginamit na itak sa pananaga.
Kasong frustrated murder ang isasampa ng pulisya laban sa suspek sa Malabon City Prosecutors Office.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA