May 9, 2025

“HINDI PA PINAL!” – Atty. Ian Sia, sumalag sa isyu ng disqualification

PASIG CITY – Todo tanggi si Atty. Christian “Ian” Sia sa isyung disqualified na raw siya sa kandidatura matapos ilabas ng Comelec 2nd Division ang desisyon laban sa kanya nitong Biyernes, Mayo 9.

Sa isang press conference sa Calle Preciosa Restaurant, nilinaw ni Atty. Sia na “hindi pa final at executory” ang naturang desisyon at pwede pa itong iapela sa Comelec En Banc. Ayon sa kanya, malinaw sa ruling ng Comelec 2nd Division na kandidato pa rin siya at dapat pa ring bilangin ang kanyang boto habang wala pang pinal na desisyon ang En Banc.

“Malinaw po ang resolution ng Comelec 2nd Division na kandidato pa po ako. Bibilangin ang aking boto. In the event na ako ay manalo, masususpinde lang po ang aking proclamation,” ani Sia.

Ang unang kasong isinampa laban sa kanya ay naibasura dahil sa kakulangan sa proseso, habang ang ikalawa ay pinagbigyan, ngunit hindi pa ito pinal. May limang araw si Atty. Sia para magsumite ng motion for reconsideration. Kung hindi siya papanigan ng En Banc, maaari pa rin siyang dumulog sa Korte Suprema.

Buwelta pa ni Sia, hindi raw basehan sa disqualification ang umano’y paglabag niya sa Safe Spaces Act. “Walang legal na batayan ang disqualification laban sa akin. Ang remarks ko ay saklaw ng aking karapatang magsalita at magpahayag,” diin niya.

Pero hindi lang depensa ang bitbit ni Sia—umigting din ang kanyang banat sa mga kalaban. Giit niya, mas dapat raw silipin ng Comelec ang mga kandidatong gumagamit ng pondo ng gobyerno para makahikayat ng boto.

“Kung ang paglabag sa Safe Spaces Act ay rason para ma-disqualify, eh di mas lalo dapat i-disqualify ang mga kandidatong lumalabag sa Comelec ban sa pamimigay ng ayuda,” giit niya.

Ayon kay Atty. Sia, nagkakalat ng maling impormasyon ang kanyang mga kritiko na hindi na siya puwedeng iboto. “Mahirap kalabanin ang nakaupo. It requires courage, perseverance,” aniya.

Samantala, ibinida rin ni Atty. Sia ang plano niyang P2.7 bilyong Pasig City Hall, pati mga bagong eskwelahan, kalsada at iba pang imprastruktura kung mananalo siya. Aniya, ang kabuuang proyekto ay tatakbo mula 2025 hanggang 2028, at mas mura pa ito kaysa sa proyekto ng kasalukuyang administrasyon na halos P9.6 bilyon para lang sa bagong city hall.

Bago sumabak sa pulitika, nagsilbi si Sia bilang Assistant Secretary sa National Economic and Development Authority (NEDA). Ibinunyag din niya na hindi pa rin natutuloy ang Rosario Sports Complex dahil sa problema sa lupa.

“Tatlong linggo ang nasayang sa isyung ito. Mas dapat tayong nakatutok sa problema ng lungsod, hindi sa politika ng pambabastos,” saad pa niya.