December 24, 2024

Hindi nagpagamot sa Singapore! Nasa Davao ako – Duterte

TULUYAN nang winakasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga agam-agam  na siya ay nagtungo sa Singapore para magpagamot, kung saan sinabi nito na siya ay nasa Davao lamang.

Pinabulaan ni Duterte ang naturang “fake news” na kumakalat tungkol sa kanya sa pamamagitan ng Facebook live ng kanyang dating aide at ngayo’y Senator Christopher “Bong” Go.

“Well as you can see clearly, I’ve been in Davao all along,” wika ni Duterte.

“Umiiwas tayo ng COVID. The admonition is to wash your hands, wear a mask, cover your eyes and stay home. That’s what I did. Andito po ako sa Davao. Huwag po kayong maniwala,” dagdag pa ng Pangulo.

Sa parehong livestream, sinabi ni Go na nakatakdang magtungo ang Presidente sa isang pagpupulong kasama ang mga miyembro ng COVID-19 task force ng pamahalaan.

“So huwag po kayong mag-alaala, at sa mga nagpapakalat ng fake news, makonsyensya po kayo. Nagtatrabaho lang po ang ating Presidente, para sa bayan,” wika ni Go.

Una rito, nag-post din si Go ng larawan ng Pangulo habang kumakain kasama ang kanyang pamilya upang pabulaan ang mga kumakalat ng tsismis.

Tiniyak din ni Presidential spokesman Harry Roque na nasa maayos na kalusugan ang Pangulo.

Ngayong gabi ay iaanuninsyo ng Pangulo kung anong magiging pasya sa quarantine classification ng Metro Manila at kalapit nitong lalawigan.