November 23, 2024

Hindi lang dapat POGO… LAHAT NG URI NG SUGAL IBAWAL – ESCUDERO

INIHAYAG ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na hindi na kailangang magpasa ng batas para ma-institutionalize ang utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na nagbabawal sa lahat ng Philippine Offshore gaming operators (POGOs).

Ayon kay Escudero, kung magpapasa ng batas ang Kongreso dapat saklaw nito ang lahat ng uri ng sugal at hindi lamang POGO.


Sa kanyang ikatlong State of the Nation Address, ipinag-utos ni Marcos ang madaling pag-ban sa POGO.

Ang kanyang direktiba ay hindi na kailangan ng executive order (EO) o batas, ayon kay Escudero.

“No. An order suffices. Hindi EO ang nag-legalize ng Pogo, hindi AO (administrative order) ang nag-legalize ng Pogo, hindi batas ang nag-legalize ng Pogo,” aniya.

Ito’y ang lisensiya na inisyu ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) na nag-legalized sa pagsulpot ng POGOs, saad ni Escudero.

Kaya naman aniya, ang pagbabawal sa Pogos ay nangangahulugan lamang ng pagbawi sa lisensiyang ipinagkaloob sa mga kumpanyang ito.

“Ngayon, kung tatanungin niyo kung bakit hindi kami magpasa ng batas laban sa Pogo? Sa galing ng mga tao sa larangang yan, mag-iimbento palagi ‘yan Pago, Pogo, Pigo (Philippine Inland Gaming Operator),” ayon sa lider ng Senado.

“Sa dulo, kung nais natin ipagbawal ang pasugalan at sugal sa bansa, pwes, ipagbawal na natin lahat at susuporta ako palagi doon. Mapa-Pogo, mapa-Pigo, mapa-casino, e ‘di isabay-sabay na natin kung talagang tingin natin ay nakakasama ‘yan sa ating lipunan at sa ating mga kababayan,” dagdag niya.

Nang tanungin noon kung dapat bang magkaroon ng batas na nagbabawal sa lahat ng sugal sa bansa, sinagot ito ni Escudero.

Dapat aniyang magkaroon ng pambansang patakaran kung ang intensyon ay mabawasan ang masasamang epekto ng pagsusugal. “Para sa akin, dahil kung hindi, magpapasa lang tayo palagi ng batas kada may maiimbento silang pangalan at panibagong uri at klase ng sugal,” wika ng Senate chief.