NAKABABAHALA at hindi dapat ipagsawalang bahala ang pagtaguri sa Maynila- ang kabisera ng Pilipinas – bilang probinsya ng China.
Sino nga ba namang Pinoy ang hindi tataas ang kilay sa nalimbag sa isang produkto mula Tsina ang ‘Manila, province of China’?
Kaya nga totoong humanga ang marami kay Manila Mayor Isko Moreno dahil sa kanyang ipinakita na pagiging pusong Filipino at Manileño.
Hindi nito hinayaan na pumasok sa sistema ang ganitong kaisipan na ang Pilipinas ay bahagi ng teritoryo ng Tsina.
Dahil dito, hiniling ng naturang alkalde na sa Bureau of Immigration (BI) na sipain ang dalawang Chinsese pabalik sa kanilang bansa na nagbebenta ng nasabing mga nakaiinsultong produkto.
Ito’y matapos niyang ipag-utos na ipasara ang ilang establisyimento sa Sto. Domingo, Binondo dahil sa paglabag sa kanilang ordinasana tulad ng misrepresentation.
Kinilala ang mga Chinese na sina Shi Zhong Xing at Shi Li Li, may-ari ng Elegant Fumes Beauty Products, Inc., na napatunayang lumabag din sa mga patakaran at regulasyon ng Food and Drug Administration (FDA).
Sinabi ng alkalde ng Maynila na ang maling label ay hindi katanggap-tanggap.
“Ang Binondo ay bahagi po ng Maynila, at ang Maynila ay Pilipinas. Ang Maynila ang kapitolyo ng bansa. Hindi po ito probinsya ng China. At ni minsan, hindi ito naging bahagi ng Tsina sa ano mang lahatlain o kasayasayan na naitala sa panahon natin at sa panahon ng mga ninuno natin,” dismayado na pahayag ng alkalde.
“Hindi po ako governor ng China. Mayor po ako ng Maynila, Philippines. ‘Yan po ang address ng Maynila. Maynila ay Pilipinas, at ang Pilipinas ay malaya. May sariling soberentiya,” pagpapatuloy pa niya.
Maituturing din na kawalan ng respeto sa ating soberanya ang tinuran ng mga dayuhang ito.
“Hindi natin hahayaan ang mga superpower na ‘yan na parang tayo ay pinipitik-pitik lang sa mata at binabalewala nila ang soberentiya ng ating bansa,” gigil na sambit ng alkalde.
Isa ang bansang China sa pinaka-lab na lab ng administrasyong Duterte kahit ilang ulit na binababoy ang soberanya ng bansa.
Pero teka, sino nga ba ang nagpapasok ng tone-toneladang shabu sa Pilipinas, hindi ba’t ang China?
Saan nga ba galing ang POGO na bukod sa mga ilegal na kanilang gawain ay hindi rin nagbabayad ng ilang milyong buwis? ‘Di ba’t sa China?
Sinasaula na tayo pero kuntodo pa rin itong ipinagtatanggol ng pamahalaan.
At ang malaking tanong ng ordinaryong Filipino, dapat pa ba nating pagkatiwalaan ang China?
Tandaan ninyo, hindi kailaman magiging lalawigan ng China ang Pilipinas.
More Stories
Elpidio R. Quirino, Guro to Pangulo
Pang. Carlos P. Garcia, Ama ng Kilusang Pilipino Muna
Hen. Antonio Luna, Dangal ng Lahing Pilipino