January 29, 2025

Higit P300K shabu, nasamsam sa HVI tulak sa Navotas

KALABOSO ang isang drug pusher na itinuturing bilang High Value Individual (HVI) ang timbog matapos makuhanan ng mahigit P.3 milyong halaga ng shabu nang kumagat sa ikinasang buy bust operation ng pulisya sa Navotas City.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Josefino Ligan, sinabi ni Navotas police chief P/Col. Mario Cortes na nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Station Drug Enfortcement Unit (SDEU) hinggil sa pagbebenta umano ng droga ni alyas ‘Eman’, 46, ng Brgy, NBBN.

Isinailalim ng SDEU sa validation ang suspek at nang positibo ang report, ikinasa nila ang buy bust operation sa pangunguna ni P/Capt. Luis Rufo Jr, sa koordinasyon sa PDEA matapos isa sa kanyang mga tauhan ang nagawang makipagtransaksyon kay ‘Eman’ ng droga.

Dakong alas-10:35 ng gabi nang dakmain ng mga tauhan ni Capt. Rufo ang suspek matapos tanggapin ang marked money mula sa pulis na nagpanggap na buyer sa V De Guzman St., Brgy. Bangkulasi.

Nakumpiska sa suspek ang nasa 54.39 grams ng hinihinalang shabu na may estimated street value na P369,852.00 at buy bust money.

Sinampahan ng SDEU ang suspek ng kasong paglabag sa Sections 5 at 11 sa ilalim ng Article II ng RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Navotas City Prosecutor’s Office.

Pinapurihan naman ni Col. Ligan ang mga operatiba sa kanilang dedikasyon at pambihrang pagganap sa panahon ng operation.

“This significant seizure is a direct result of our relentless efforts to dismantle illegal drug operations within our jurisdiction. Disrupting the supply chain and preventing these dangerous substances from reaching our communities are major achievements,” pahayag niya.