September 20, 2024

Higit P3 milyon shabu nasabat sa buy bust sa Caloocan, 3 tulak, arestado

SWAK sa kulungan ang tatlong High-Value Individual (HVI) drug pushers matapos makuhanan ng mahigit P3 milyon halaga ng shabu sa magkasunod na buy bust operation sa Caloocan City.

Sa report ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta kay Northern Police District (NPD) Acting District Director P/Col. Ponce Rogelio Peñones Jr, dakong alas-8:30 ng Biyernes ng umaga nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Major Dennis Odtuhan at 3rd MFC RMFB-NCRPO ng buy bust operation sa 575 King Solomon Street, Phase 12, Brgy 188.

Kaagad sinunggaban ng mga operatiba ang kanilang target na si Jalal Acmad alyas “Kambal”, 25, matapos bintahan ng P37,500 halaga ng droga ang isang undercover police poseur-buyer.

Nakumpiska kay Acmad ang humigi’t kumulang 200 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price PhP 1,360,000.00; buy bust money na isang P500 bill at 37 pirasong P1,000 boodle money at itima na sling bag.

Sa isinagawang follow-up buy bust operation ng mga operatiba ng SDEU at 3rd MFC RMFB-NCRPO sa Bldg. 5-A, MRH Site 4, Brgy. 188, Tala dakong alas-11:50 ng Biyernes ng gabi ay natimbog naman nila sina Ameerhussein Dipatuan alyas “Abas”, 42, ng Brgy. Greater Lagro, Novaliches, Quezon City at Jonathan Dipatuan alyas “Toti”, 42 ng Brgy. 188, Tala, kapuwa miyembro ng “Abedin-Mustafa Drug Group”.

 Ani Col. Lacuesta, nakuha sa mga suspek ang humigi’t kumulang 300 grams ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price P2,040,000.00, buy bust money na isang P1,000 bill at 39 pirasong P1,000 boodle money at light green coin purse.

 Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangrous Drug Act of 2002.