January 24, 2025

Higit P200K shabu, nasabat sa tulak na bebot

TIMBOG ang isang ginang na tulak ng ilegal na droga matapos makuhanan ng mahigit P.2 milyong halaga ng shabu sa ikinasang buy bust operation ng pulisya sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Josefino Ligan, kinilala ni P/Capt. Regie Pobadora, hepe ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) ang suspek na si alyas ‘Raquel’, 44, residente ng Valenzuela City

Ayon kay Capt. Pobadora, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa umano’y pagbibenta ng suspek ng shabu sa Valenzuela at kalapit na mga lungsod kaya ikinasa nila ang buy bust operation sa koordinasyon sa PDEA nang magpositibo ang report.

Kaagad dinakma ng mga operatiba ng DDEU ang suspek matapos tanggapin ang marked money mula sa pulis na nagpanggap na buyer sa kanto ng Nangka at M. Tuazon Sts., Barangay Potrero, Malabon City dakong alas-2:08 ng madaling araw

Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 35 grams ng suspected shabu na may standard drug price value na P238,000 at buy bust money.

Sasampahan ng DDEU ng kasong paglabag sa Sections 5 at 11, sa ilalim ng Article II ng RA 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Malabon City Prosecutor’s Office.

Pinuri naman ni Col. Ligan ang dedikasyon at kahusayan ng DDEU sa pagsasagawa ng operasyong ito kung saan binigyang-diin niya ang pangako ng NPD sa patuloy na pagsisikap sa pagpuksa sa ilegal na droga at pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa komunidad.