September 16, 2024

Higit P.4M shabu, nasamsam sa HVI drug suspect sa Valenzuela

NASABAT ng pulisya sa isang drug suspect na itinuturing bilang High Value Individual (HVI) ang mahigit P.4 milyong halaga ng shabu nang madakip sa isinagawang buy bust operation sa Valenzuela City.

Sa ulat ni Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, kinilala ang naarestong suspek na si alyas Boss, 48, at residente ng Brgy. Ugong ng lungsod.

Ayon kay Col. Cayaban, bago ang pagkakadakip sa suspek ay unang nakatanggap ng impormasyon ang Station Drug Enforcement Unit (SDEU) mula sa isang Regular Confidential Informant (RCI) hinggil sa umano’y pagtutulak niya ng ilegal na droga.

Sa tulong umano ng naturang RCI ay nagawa ng SDEU na makipagtransaksyon sa suspek ng P7,500 halaga ng droga kaya agad bumuo ng team ang SDEU saka ikinasa ang buy bust operation laban sa suspek.

Nang tanggapin umano ng suspek ang isang P500 bill na may kasamang pitong P1,000 boodle money mula sa pulis na nagpanggap na poseur-buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad siyang dinamba ng mga operatiba dakong alas-6:00 ng gabi sa Que Balag St., Brgy. Ugong.

Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 70 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug value na P476,000, buy bust money, P600 recovered money, cellphone at itim na pouch.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 under Article II of RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.