December 24, 2024

HIGIT 30K NBP INMATES POSIBLENG MAPALAYA (Inirekomenda na ng BuCor sa DOJ)

ISINUMITE na ng Bureau of Corrections  o BuCor sa Board  of  Pardons  and  Parole ng Department of Justice (DOJ) ang records ng mahigit tatlumpung libong  mga napipiit o persons deprived of liberty (PDLs).

Ayon kay BuCor Director General Gregorio Pio Catapang Jr, ito ay upang maisalang na sa ebalwasyon, deliberasyon at makapagpalabas na rin ng resolution patungkol sa posibleng paglaya ng 36,044 na PDLs.

Ang  Board of Pardons and Paroles ang nangangasiwa sa pagpapalaya ng mga  bilanggo, at nagrerekomenda upang mapagkalooban ng presidential pardons ang sinumang PDL.

Ang BuCor sa  pamamatnubay ni  Justice Secretary Crispin Remulla ay nakapagpalaya na ng 11,347 PDLs mula June 2022 hanggang January 2024 sa ilalim ng  “Bilis Laya” Program.

Sinabi ni Catapang na inaasahang marami pang PDLs ang lalaya sa harap ng isinasagawang extensive marathon meetings ng Management Screening and Evaluation Committee sa lahat ng OPPF o operating prison and penal farm ng kawanihan.  

Sa record ng BuCor sa loob ng nakalipas na limang taon, may average na 5,327 PDLs, na lumalaya taun-taon, habang 7,823 ang  average na bilang ng mga ipinapasok sa mga pasilidad ng ahensiya bawat taon, mas mataas sa mga nakalalaya.