Idineklarang persona non grata sa isla ng Boracay ang 122 turista na nameke ng RT-PCR test results.
Nakasaad sa resolution na inilabas ng Sangguniang Bayan ng Malay na may petsang Marso 11, 2021 na “unwelcome” sa Boracay ang mga nahuling turista na nameke ng kanilang RT-PCR test.
Sa isang virtual press conference, sinabi ni Tourism Secretary Bernadette R. Puyat na nagtutulungan ang mga kaukulang ahensya ng pamahalaan upang sa gayon ay mapanagot ang mga turistang ito.
Iginiit ni Puyat na mapanganib sa iba pang mga turista, manggagawa sa tourism sector, at sa mga residente sa isla ang pamemeke ng RT-PCR test ng mga turistang ito.
Nauna nang inatasan ng Department of Justice (DOJ) ang National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng imbestigasyon at kasuhan ang mga nagpapakalat ng pekeng RT-PCR test results na ginamit ng mga turista sa kanilang pagpasok sa Boracay.
Ayon sa lokal na pamahalaan ng Malay, aabot na sa 30 turista ang kinasuhan ng Falsification of Public Documents dahil sa paggamit ng pekeng negatibong RT-PCR test results. Hanggang noong Abril 26, 2021, sinabi ng Provincial Inter-Agency Task Force, nasa 166 na ang mga turistang nahuling gumagamit ng pekeng swab test results, kung saan karamihan dito ay nahuli sa Caticlan jetty port.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA