November 24, 2024

HIDILYN DIAZ, TINANGGAP NA ANG BAHAY SA TAGAYTAY

Hindi maitago ang saya ng mga Olympic medalists matapos nilang matanggap ang mga premyong ipinangako ng Philippine Olympic Committee (POC) at ng ilang pribadong kumpanya.

Isang brand new 2 storey-house and lot ang ibinigay ng POC kay Olympic Champion na si Hidilyn Diaz sa Tagaytay City.

Ayon kay Hidilyn, magpapatayo siya ng backyard gym sa kanyang bagong bahay upang makapagturo ng weightlifting sa mga nais sumunod ng kaniyang yapak.

Samantala, sinumulan na rin ang construction ng mga bahay para kina boxing medalists Nesthy Petecio, Carlo Paalam, at Eumir Marcial na pinangako ng POC na nasa Tagaytay din.

Maliban sa pabahay mula sa POC, nakatanggap rin ng brand new car sina Hidilyn, Carlo at Nesthy mula sa United Asia Automotive Group Inc.

Binigyan din ng ₱300,000 cash incentive si Eumir ng nasabing kumpanya.

Bukod sa house and lot at mga sasakyan, bibigyan din ng karagdagang cash incentives ng POC ang apat na Filipino Olympic medalists.

Makatatanggap ng karagdagang ₱1 million si Marcial, ₱2 million naman para kay Paalam at Petecio at ₱3 million para kay Diaz.

Magugunita na matapos ang makasaysayang tagumpay sa Olympics na nagbigay sa Pilipinas ng una nitong gintong medalya, bumuhos ang mga nais magbigay ng cash incentives at rewards kay Hidilyn Diaz gayundin kanila Petecio, Paalam at Marcial.

Ayon kay Philippine Olympic Committee President Bambol Tolentino, ang mga premyong natanggap ng mga olympic medalists ay magsisilbing inspirasyon sa iba pang mga atleta na pagbutihin ang kanilang napiling larangan.

Nanawagan naman si Tolentino sa pamahalaan na ipagpatuloy ang suporta sa mga atletang Pinoy sa pamamagitan ng pagpapatayo ng mga sports facilities sa bansa.

Binigyang diin rin nito na sa unang pagkakataon ay naramdaman ng mga atleta ang buong suporta mula sa pamahalaan.