January 23, 2025

HETO NA ANG DIWA NG ELEKSYON, HEALTH PROTOCOLS, LULUWAG NA KAYA?

Nagsimula na ang pagpasa o pagfile ng kani-kanilang kandidatura ang mga tatakbo sa halalan 2022. Magtatapos ito sa Oktubre 8. Sa ilang araw na palugit na ito, nalaman na natin ang kumpirmadong tatakbo. At malalaman pa natin ang tatakbo sa mga susunod na mga araw.


Iba talaga kapag mage-eleksyon na. Masarap sa pakiramdam para sa iba. Ika nga ng ilan: ” Sa ikauunlad ng bayan, eleksyon ang kailangan.” Bakit? Aba, kikita ang ilang industriya kapag panahon ng eleksyon. Mala piyesta ang arrive. Mula sa pinagagawang campaign materials, bayad sa mga supporters, upa sa headquarters kada lugar at kahit pa pampakunsuwelo sa boto.

May pagkakataon na kasi ang taumbayan na palitan ang ayaw nilang mga pinuno. Ang iba ay gustong subukan ang bago. At ang iba ay gustong manatili ang sa tingin nila’y karapat-dapat pa sa puwesto.

Ang diwa nga ng halalan ay sumapit na. Katunayan, naglipana na ang kaliwa’t kanang survey. Upang ikondisyon at bigyang ideya ang kagaya ni Juan De La Cruz kung sin ang malakas.

Subok na ang survey kung saan napatatangay sa agos ang karamihan. Na kung sino ang malakas, iyon din ang iboboto nila. Para di sayang ang boto. Pero, may ilan na hindi kumbinsido’t naniniwala.


Kinikinita na ng karamihan na sa pagdaan pa ng ilang araw, luluwag na ang health protocols. Lalo na sa panahon ng campaign period. Maambunan din ang taumbayan ng ilang biyaya mula sa ilang politiko na nagpapalakas.

Sa bi nga, galante ang mga politiko kapag may halalan. Madaling makita, madaling lapitan. Kaya, tiyak na babawi ang taumbayan mula sa pagkalugmok nila sa pandemya. Kaya, sasamantalahin ito ng iba. Aba, sa pamamagitan ng pagiging galante ng mga politiko, may pogi at ganda point na sila agad. Na sila ang pwedeng mapisil na iboto.