December 22, 2024

Hen. Antonio Luna, Dangal ng Lahing Pilipino

SA darating na 29 Oktubre 2024 Martes ay gugunitain ang ika-158 taong anibersaryo ng kapanganakan ni Antonio Luna (1866-99). Ang paggunita ay kaalinsabay ng ika-167 taong kaarawan ng kapatid na si Juan Luna (1857-99) na isang kilalang pintor. Ang gawain ay pangungunahan ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas (NHCP) at Pamahalaang Panlalawigan ng Ilocos Norte na magaganap sa Museo nina Juan at Antonio Luna sa Barangay Garreta, Badoc, Ilocos Norte.

Ang museo ay isang dating tipikal na Bahay na Tisa ng mga nasa katamtaman at mataas na antas sa lipunan sa panahon ng mga Espanyol. Ang orihinal na tahanan ay nasira dahil sa sunog, 1861. Ipinagkaloob sa pamahalaan ang tahanan, 1954. Pinangasiwaan ng Kagawaran ng mga Pagawain at Lansangang Bayan (DPWH) at noo’y National Historical Institute (NHI) ang pagpapanumbalik sa dating anyo ng tahanan, 1977. Sa nasabing taon ang tahanan ay naging museo para sa magkakapatid na Luna. Ang museo ay nagkaroon ng technological upgrades sa pamamagitan ng paglalagay ng touch screen TVs at projector, 2016.

Narito ang Labinlimang (15) Natatanging Kaalaman at Impormasyon tungkol sa Magiting na Heneral:

01. Pagiging Matalino. Lingid sa kaalaman ng marami ay matalino ang sikat na heneral. Nagtapos siya ng Bachelor of Arts sa Ateneo Municipal de Manila (1881) sa edad na 15. Nag-aral siya ng Pharmacy sa Unibersidad ng Santo Tomas (UST, itinatag 1611) at tinapos ang nasabing kurso sa Universidad de Barcelona sa Espanya (1885) sa edad na 19. Nakamit din niya sa Espanya ang doctoral degree para sa medisina sa Universidad Central de Madrid. Nag-aral at dumalo din siya sa mga seminar sa mga bansang Belgium at France.

02. Pagiging Siyentipiko. Nakapag-aral at naging assistant si Antonio kay Dr. Latteaux sa Pasteur Institute (itinatag 1887) at kay Dr. Laffen. Naging daan ang kanyang pagkatuto ng paglawak ng kanyang kaalaman sa agham. Umani ng paghanga at papuri ang kanyang pag-aaral sa chemistry noong siya’y mag-aaral pa lang sa UST. Habang nakatira sa Espanya ay nakapagsulat ng artikulo tungkol sa malaria na tunay na hinangaan ng pamahalaan ng Espanya. Itinalaga siya bilang espesyalista ng Communicable and Tropical Disease (1894).

03. Pagiging Manunulat. Naipamalas din niya ang kanyang talino sa pagsusulat ng mga akdang pampanitikan. Nang maitatag ang pahayagang La Solidaridad (1888) sa layuning maipahayag ng mga Pilipino ang kanilang saloobin hinggil sa mga nangyayari sa loob at labas ng Pilipinas, ibinahagi ni Antonio ang kanyang kakayahan sa pagsulat ng mga sanaysay at tula gamit ang sagisag-panulat na “Taga-ilog”.

04. Magaling sa Martial Arts at Fencing. Magaling na asintado kung bumaril ang heneral. Subalit si Antonio ay aral din sa iba’t ibang combat sports. Nasa kolehiyo pa lang ay nagpakita na siya ng interes at galing sa martial arts at fencing. Matapos ang ilang taong pag-aaral sa Espanya, siya at ang kanyang kapatid na si Juan ay umuwi ng Pilipinas at nagtayo ng isang fencing club na tinawag na “Sala De Armas.” Isa sa kanyang naging mag-aaral ay si Apolinario M. Mabini (1864-1903).

05. Nagkaroon siya ng Guro na Magaling sa War Strategies at Techniques. Si Gerard Mathieu Joseph Georges Leman (1851-1920) ay isa sa mga bayaning heneral mula sa Belgium noong Unang Digmaang Pandaigdig (1914-18). Naging mag-aaral niya si Antonio at tinuruan ng ‘Guerilla Warfare’ at ‘Fortifications’ sa ilalim ng kursong Military Science. Ang mga taktikang natutuhan ni Antonio ay ginamit niya laban sa mga sundalong Amerikano. Sa kasamaang palad maagang binawian ng buhay ang magaling na heneral.

06. Isang Bag ng Barya ang Nagligtas sa Kanya. Isang araw habang nakikipagdigma laban sa mga sundalong Amerikano ay naramdaman ng heneral ang pagtama ng isang bala sa kanyang katawan. Agad na umabante ang hukbong Amerikano upang makita ito. Naisip ng heneral na kitlin ang sariling buhay bago pa siya maabutan ng mga Amerikano. Sa kabutihang palad ay agad siyang nailigtas ng isa sa kanyang mga sundalo na si Colonel Alejandro Avecilla at dinala sa kanilang kampo. Doon ay nakita na hindi pala tumagos ang bala sa kanyang katawan dahil naharang ito ng isang bag ng barya na nasa kanyang bulsa. Ang pangyayaring iyon ay itinuturing na isa sa pinakasuwerte na yugto sa kanyang buhay.

07. Ang pinakaunang PMA sa bansa. Ang PMA (Philippine Military Academy) ang pangunahing paaralang militar sa Pilipinas. Dito karamihang nagmumula ang ating magigiting at matatapang na sundalo sa bansa. Bago nito ay una nang naitayo ni Antonio ang ‘Academia Militar’ sa Malolos, Bulacan at hinikayat ang mga beterano ng Digmang Espanyol-Pilipino na turuan ang mga bagong mag-aaral ng disiplina at mabuting taktika sa pakikidigma. Sa panahong iyon ay nag-iipon din sila ng mga armas na gagamitin para sa pakikidigma sa mga sundalong Amerikano.

08. Muntikan na maka-Duelo si Rizal. Habang nakatira si Antonio sa Espanya ay kanyang nakilala si Nellie Boustead, isang Pilipinang-Pranses, na agad na nagpatibok sa kanyang puso. Niligawan ni Antonio ang dalaga subalit kanyang nabatid na ang napupusuan ni Nellie ay si Jose Rizal (1861-96). Sa isang pagtitipon ay dumalo sina Antonio at Rizal kung saan nalasing ang una (1890). Dahil sa impluwensiya ng alak ay binastos ni Antonio si Rizal at Boustead ng makasalubong ang mga ito. Hindi naibigan ni Rizal ang ganoong pangyayari kung kaya’t nag-away ang matalik na magkaibigan. Nagkasundo ang dalawa na tapusin ang away sa pamamagitan ng duelo ng pagbaril. Sa kabutihang palad ay hindi natuloy ang duelo sapagkat agad na pumagitna ang kapatid ni Antonio na si Juan na humingi ng tawad kay Rizal na tinanggap naman. Makalipas ang ilang buwan ay sinulatan ni Antonio si Rizal na humihingi ng kapatawaran sa kanyang nagawa.

09. Mapagmalasakit na Pinuno. Si Antonio ay kilala bilang agresibo at istriktong pinuno. Bagamat ganitong imahe ang nakilala sa kanya, hindi maikakaila ang malasakit ng heneral sa kanyang mga sundalo. Ayon sa tala, hinikayat ni Antonio ang Red Cross na mabigyan ng regalo sa araw ng kapaskuhan ang kanyang mga sundalo upang mapataas ang kanilang moral sa digmaan.

10. Binuo ang Elite na Grupo ng mga Marksmen. Bumuo ang heneral ng isang maliit na grupo ng mga sundalo na tinawag na ‘Tiradores de la Muerte’ o ‘The Marksmen of Death’. Nakilala sila sa galing paghawak ng mga armas sa digmaan at pakikibaka. Ang nasabing grupo ang nakapatay sa pinakamataas na opisyal ng mga sundalong Amerikano na si Henry Ware Lawton (1843-99).

11. Ang planong pagpapatayo ng Guerilla Fortress sa Mountain Province. Isa sa pinakamalaking plano ng heneral ay ang makapagpatayo ng Guerilla Fortress sa Mountain Province na magiging kampo ng mga sundalong Pilipino na lumalaban sa digmaan. Ang lugar ay hindi basta-basta malulusob ng mga kalaban dahil sa taas ng mga bundok na kinalalagyan. Subalit hindi sinang-ayunan ni Pangulong Emilio F. Aguinaldo (1869-1964) kung kaya’t hindi natupad.

12. Hinangaan ng mga Sundalong Amerikano. Bagamat maraming mga sundalong Pilipino ang humanga kay Antonio dahil sa kanyang tapang at pamumuno, maging ang mga sundalong Amerikano ay humahanga sa galing ng heneral. Mataas ang respeto ng hukbong Ameriano sa heneral. Kung kaya’t marami sa kanila ang nagbigay ng parangal noong mabatid na siya ay namatay.

13. Kinatatakutan hanggang Kamatayan. Dahil sa pagiging istrikto at pagiging agresibo ng heneral ay may ilang mga sundalong Pilipino ang hindi naibigan ang kanyang pamamalakad. Hindi lamang mga sundalo ang may galit sa kanya, maraming beses ding hindi sumang-ayon ang heneral sa mga disisyon ni Pangulong Aguinaldo. Nang inatake ang heneral ng mga sundalo sa Cabanatuan, Nueva Ecija (Hunyo 1899) ay tinatayang may mahigit sa sampung (10) sundalo ang pumaligid sa kanya. Sinaksak siya at binaril hanggang sa siya ay namatay. Hindi naging madali ang pagpatay sa heneral dahil sinusubukan pa nitong lumaban at iputok ang baril sa kalaban subalit wala siyang natatamaan. Kinagat-kagat niya ang kanyang ngipin at hinigpitan ang mga kamao sa galit. Nang tuluyan na siyang mapatumba at binawian ng buhay agad siyang umikot pakanan. Natakot ang mga pumatay sa kanya dahil sa kanyang mga ikinilos. Napaatras ang mga nasa harap sa pag-aakalang babangon pa siya. Ipinakita lamang na kinatatakutan siya hanggang sa mga huling sandali ng kanyang buhay.

14. Kinilala sa mga salapi. Noong 2016 ay kinilala Hen. Antonio Luna ng Bangko Sentral ng Pilipinas sa imahe ng sampung (10) pisong barya kaugnay sa ika-150 anibersaryo ng kanyang kaarawan na may temang “Dangal, Tapang, Dignidad”. Bago nito ay makikita ang imahe ng heneral sa dating limampung (50) pisong salaping papel na English Series ng Central Bank of the Philippines na ginamit, 1949-71.

15. Umani ng Papuri ang pelikulang ‘Heneral Luna’. Sa direksyon ni Jerrold Tarog at sa produksyon ng Artikulo Uno Productions ay ipinalabas ang pelikulang ‘Heneral Luna’ (2015) na pinagbidahan ni John Arcilla bilang Antonio Luna. Ang pelikula ay umani ng papuri sa loob at labas ng bansa. Kabilang sa kumilala sa pelikula ay ang Gawad Tanglaw (Gawad Tagapuring mga Akademisyan ng Aninong Gumagalaw) na itinatag ni Dr. Romeo Flaviano Ibañez Lirio (2003) na ginawaran ng sumusunod: Best Cinematography, Student’s Choice Award for Best Film, at Gantimpalang Dr. Jaime G. Ang Presidential Jury Award for Film.