May 1, 2025

HAWAK PASAPORTE, BAWAL NA SA NAIA ENTRANCE

MANILA — Sa isang hakbang na naglalayong maprotektahan ang mga pasahero at maiwasan ang pisikal na pagkakahawak ng mahahalagang dokumento, inilunsad ng New NAIA Infra Corp. (NNIC) ang bagong kautusan na hindi na kailangang ipakita o ipaabot ang pasaporte sa entrance ng NAIA terminals.

Ayon kay Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Eric Ines, suportado niya ang naturang pagbabago.

“Maganda ‘yan. Kasi may mga ulat na may passport na napunit, kaya mas mainam na hindi na ito pinapahawak sa iba, para walang masisisi,” pahayag ni Ines sa panayam ng Philippine News Agency nitong Miyerkules.

Sa advisory na inilabas sa Facebook page ng NAIA, binigyang-linaw ng NNIC na lahat ng security personnel ay inatasang huwag hawakan ang mga pasaporte ng pasahero habang sila ay pumapasok sa terminal o sumasailalim sa security check.

Layunin ng panuntunan ang pagbawas sa physical contact sa mga dokumento ng biyahe at dagdag proteksyon sa mga pasahero.

Ipinaliwanag ni Ines na passport inspection ay mananatili sa check-in counters, immigration, at sa mismong boarding gates, kung saan mga airline personnel na ang responsable.

Samantala, valid ID o travel document na hawak ng pasahero mismo ang ipapakita sa entrance gates — walang pisikal na paghawak mula sa security staff.

“Bilang airport operator, patuloy kaming nakikipagtulungan sa lahat ng stakeholders para sa seguridad at kaligtasan ng mga pasahero,” ayon sa pahayag ng NNIC.

Ang bagong hakbang ay kasunod ng isang viral incident kamakailan kung saan napunit ang pasaporte ng isang pasahero sa NAIA Terminal 3. Wala namang direktang ulat na nagsasabing security personnel ng NAIA ang responsable sa insidente, ayon sa NNIC.

Dagdag pa ng consortium na pinamumunuan ng San Miguel Corporation, kasalukuyan silang nakikipag-ugnayan sa mga airline partners, Department of Transportation (DOTr), at Bureau of Immigration (BI) upang higit pang paigtingin ang mga patakaran sa airport operations.