November 23, 2024

Hawaan sa COVID! 2K HAMSTER PAPATAYIN SA HONGKONG

Matapos magpositibo sa COVID-19 ang ilang hamster sa isang pet shop, ipinag-uutos ng pamahalaan ng Hong Kong na patayin ang halos 2,000 hamster upang mapigilan umano ang pagkalat ng virus.

Ayon sa ulat ng The Guardian, unang nadiskubre ang COVID sa 11 hamster sa Little Boss pet shop.

Isinailalim umano ang mga hayop sa pet shop sa testing dahil hindi malaman ng mga awtoridad kung kanino nakuha ng isang 23-anyos na indibidwal ang pagkakasakit ng COVID.

Bukod pa rito, napag-alam na dalawang empleyado sa Little Boss ang positibo rin sa virus, kabilang ang taga-linis ng kulungan ng mga hayop at ang nagpapakain sa mga hamster.

Kaya naman, ipinag-uutos ng pamahalaan ng Hong Kong na ipagbawal muna ang pagbili ng hamster.

Gayundin, nasa 2,000 hamster, kabilang ang lahat ng binili muna Disyembre 22, ay dapat isuko sa lokal na pamahalaan habang ang mga may-ari ng mga naturang hayop ay isasailalim din sa testing.

Aminado ang health secretary ng Hong Kong na wala pang ebidensya na kayang mang-hawa ng mga hayop ng COVID sa tao, ngunit ginawa umano nila ito bilang parte ng pag-iingat.

“We have assessed the risks of these batches are relatively high and therefore made the decision based on public health needs,” pahayag ni Dr. Leung Siu-fai, director ng agriculture, fisheries and conservation. “We urge all pet owners to observe strict hygiene when handling their pets and cages. Do not kiss or abandon them on the streets.”