November 5, 2024

HATID-SUNDO PUWEDE NA (PNP kumambiyo)

Pinapayagan na ang mga authorized persons outside of residence (APOR) na mga manggagawa na magpaghatid-sundo sa kanilang trabaho kapag isinailalim sa dalawang linggong enhanced community quarantine (ECQ) ang Metro Manila.

Isinagawa ang naturang hakbang isang araw matapos ianunsiyo ni Philippine National Police chief Gen. Guillermo Eleazar na hindi pinapayagan ang mga non-APORs na ihatid ang mga nagtatrabaho na APORs dahilan para ulanin ng batikos.

 “Ngayon po, after weighing all these things, nagbigay po ng bagong guidance ngayon na ia-allow na po ‘yun, itong mga ito, itong mga non-APOR na maghahatid sa ating mga APOR,” saad ni Eleazar sa Teleradyo.

Pero kailangan nang magpakita ng karagdagang mga dokumento ang mga non-APOR na drayber.

Aniya, kailangan magpakita ang mga drayber ng certificate of employment ng nasabing APOR na kanilang ipagmamaneho. Kailangang nakalagay rin sa nasabing katibayan ang pangalan ng non-APOR driver, ang description ng gagamiting sasakyan, at pati na rin ang contact number ng employer.

 “Ang mga requirements na ito ay mahalaga sa pagsasagawa ng random counter-checking ng ating kapulisan upang matiyak na lehitimo ang mga dokumentong nagbibigay ng permiso na ihatid ang sundo ang ating workforce APORs,” wika ni Eleazar.


Kailangan ring magpakita ng kopya ng business permit ng employer para mapatunayan na kasama ang manggagawa sa permitted industries na pinapayagang magbukas sa gitna ng ECQ, ayon kay Eleazar.  “We will require the employer na mag-issue ng certificate of employment na nakalagay na doon syempre, kung sino ‘yung worker APOR na yun, kung ano ‘yung, pati po ‘yung detalye doon, and then nakalagay din doon kung sino ‘yung designated na itong worker APOR na ito na kasama niya sa bahay, na driver niya, pati ‘yung description ng sasakyan,” paliwanag ni Eleazar.


 “Andito din yung contact person ng taong ito, at the same time, naka-attach din doon, yung business permit, na nagpapatunay, para malaman natin na talagang part sya ng permitted industry… Ito po ay ipapakita at dadalhin ng non-APOR driver na ito. At ‘yun ngayon ang pagbabasehan natin kung magco-conduct kami ng random checking,” dagdag niya.