January 13, 2025

‘HATID-SUNDO’, BAWAL SA ECQ – PNP CHIEF


IPINAGBABAWAL ang paggamit ng pribadong sasakyan para magsundo o maghatid ng authorized persons outside residence (APORs) kapag isinailalim na sa mahigpit na lockdown ang Metro Manila mula Agosto 6 hanggang 20, ayon kay Philippine National Police (PNP) chief General Guillermo Eleazar.

“Hindi po pupuwede ‘yon kasi ito po ‘yong puwedeng abusuhin eh. Ano ba naman ‘yong magda-drive ka nang mag-isa ka lang sa sasakyan, hindi ka APOR, sabihin mo, ‘Pasensiya, ako po’y naghatid, galing po doon, pauwi na ako,'” ayon sa PNP chief sa Teleradyo ng DZMM.

Humihingi ng pang-unawa ang PNP dahil apektado nito ang mga manggagawa, lalo na ang mga hindi kayang magmaneho.

“Hinihingi po namin ang inyong pag-unawa sa mga pagkakataong ito.”

Ayon pa sa PNP chief,  naging maluwag umano ang mga awtoridad sa polisiyang ito noon, pero hihigpitan na ngayon dahil may limitado namang pampublikong transportasyon.

Hiniling naman ni Commission on Human Rights spokesperson Jacqueline de Guia  na pag-isipan ang pagbabawal sa hatid-sundo ng mga manggagawang APOR.

Ayon kay De Guia, hindi dapat pagkaitan ang mga APOR ng ligtas na paraan ng pag-commute.

Posible rin umanong malantad sa sakit ang mga APOR kapag ipinagbawal ang hatid-sundo sa kanila ng mga pribadong sasakyan, lalo’t hindi sapat ang public utility vehicle na papasada sa panahon ng ECQ.

“The issue of alleged abuse of this ‘hatid-sundo’ scheme raised by the authorities can be addressed by requiring documentary proof that the passengers and driver of the vehicle are indeed APORs,” ani De Guia.

Isasailalim sa ECQ ang Metro Manila hanggang Agosto 20 upang makontrol ang pagkalat ng COVID-19 sa harap na rin ng banta ng mas nakahahawang Delta variant.