November 3, 2024

HATID NA ARAL NG PANDEMYA SA BUHAY NI JUAN DELA CRUZ

Ngayong araw mga Ka-Sampaguita, nasa ika-100 araw na tayo buhay ng ipatupad ng pamahalaan ang hakbang o ECQ upang hindi kumalat ang kinatatakutang karamdaman na CoViD-19.

Nagsimula itong ipatupad noong Marso 15— at mula rito tinahak natin ang isang masalimuot na pagsubok. Na tila sinusubukan ang ating katatagan. Kung gaano tayo katibay. Salamat na lamang sa Panginoong Diyos at hanggang ngayon ay buhay pa tayo, malakas at nakararaos sa araw-araw na pamumuhay. Subalit, may ilan sa ating mga kababayan ang nagdurusa.

Sila yung mga nawalan ng hanapbuhay, hindi makauwi sa kani-kanilang mga lalawigan o mga Locally Stranded Individuals (LSI), may mga kinapos at nagutom pa nga at may naburyong sa kani-kanilang pananatili sa mga kabahayan. Ang nakalulungkot, may mga binawian ng buhay dahil sa paghahangad na makauwi sa kanilang probinsiya, nanatili muna sa overpass at ang iba ay sa bangketa.

Mabuti na lamang at may ginawang hakbang ang local na pamahalaan sa pagbibigay ng ayuda. Lalo na ang pagpapatupad at pagbibigay ng Social Amelioration Program sa mga karapat-dapat na mga benepisyaryo. Subalit, may ilang hindi nakatanggap at may nakatanggap na hindi naman dapat.

Gayunman, isinasaayos ng pamahalaan ang salik tungkol dito. Sa paglipas pa ng mga araw, lalo yatang dumarami ang bilang ng nagkakaroon ng kaso ng CoViD, na halos nasa 30,000 na sa kabila na niluwagan na ng gobyerno pagpapatupad ng hakbangin. Na mula sa ECQ ay napunta sa GCQ, anupa’t may ilang negosyo na ang nakapagbukas. May ilang pook sa bansa nan as ailalim ng MECQ at MGCQ, kumpurmi sa taas ng bilang ng nagkakaso ng CoViD-19 pandemic.

May ilang obrero na rin ang nakakapasok sa kanilang mga trabaho sa kabila ng walang akses sa transportasyon. Bagama’t mahirap ang ganitong senaryo, nagtiis ang ating mga kababayan. Sadyang ganyan ang likas at katutubong pag-uugali ng isang Juan dela Cruz— ang pagiging matiiisin.

Ano nga bang aral ang dulot sa atin ng pandemya? Tinuturuan tayong maging disiplinado at matiiisin. Nakatitiyak tayo na pangunang hakbang ito para sa paghahanda sa anupamang darating na pagsubok. Ang kailangan lamang ang matibay na pagtitiwala at pananampalataya sa Diyos. May nakikita tayong pag-asa mula rito sa pamamagitan ng unti-unting panunumbalik ng sigla ng bawat isa. Huwag tayong mabalisa. Bagkus, isalang-alang natin ang makabubuti para sa lahat kalakip ng malawak na pasensiya.

Sa oras na magkaroon na ng bakuna at nailabas na ito, umasa tayong unti-unting manunumbalik ang sitwasyon sa normal. Sabihin pang new normal, tinuturuan tayo ng mga pangyayari na maging disiplinado. Huwag isisi sa gobyerno ang lahat. Sa halip, gumawa tayo ng hakbang upang maging responsable sa ating mga sarili, sa ating mga mahal sa buhay at sa ating bayan.

Ang balangkas o bilang ng nagkakaso ang magiging barometro kung ano ang magiging kapalaran natin sa mga susunod na mga araw. Gayunman, maging positibo tayo at manalig sa Diyos na malalampasan natin ang lahat ng ito— ng isang malaking hamon sa ating buhay na di hamak na magaan kumpara sa senaryo pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Adios Amorsekos.