December 24, 2024

HATID NA ARAL NG JULY 16, 1990 LUZON EARTHQUAKE

Kung ating maalaala mga Ka-Sampaguita, ngayon ang ika- 30 taon ng nangyaring paglindol sa Luzon noong Hulyo 16, 1990.

Nangyari ang pagyanig  araw ng Lunes,  na tinatayang may 7.7 magnitude at may intensity 9.

Nabitak ang lupa sa habang 125 kilimetrong haba mula Dingalan sa Aurora hanggang Cuyapo sa Nueva Ecija.

Tinatayang 1,621 katao ang nasawi sa nangyaring paglindol, na ang karamihan sa casualties ay sa Central Luzon at Cordillera region.

Umabot ang lakas ng pagyanig hanggang sa Metro Manila at Bicol region.

Isa sa kalunos-lunos na napinsala ng lindol ay ang lungsod ng Baguio.

Mga nasa 28 gusali ang gumuho kabilang ang Hyatt Terraces Baguio Hotel.

Bakit natin ito tinatalakay mga Ka-Sampaguita?

Nais nating matuto ang ating mga kababayan at kinauukulan sa nangyari.

Bagama’t lumalaban tayo sa banta ng COVID-19, hindi natin dapat ipagwalang bahala ang mga natural calamities.

Totoong nakatutok tayo ngayon sa pagsugpo ng COVID-19. Subalit, sapat ding bigyang pansin ng pamahalaan ang kalamidad maaaring mangyari gaya ng lindol.

Karaniwan sa kasaysayan na nangyayari ang kalamidad at sakuna sa oras na hindi inaasahan. Kung kaya, dapat na mayroong contingency plan dito ang pamahalaan.

Isa sa aral na hatid ng July 1990 earthquake ang kalidad at tatag ng mga itinatayong gusali.

Kinakailangang matatag ito at kaya ang malalakas na lindol na may magnitude 6 hanggang 9.

Hindi rin dapat magsawa ang kinauukulan sa pagpapaalala sa mga mamamayan tungkol sa tamang hakbang upang maging ligtas sa pagyanig.

Maging alerto rin dapat ang taumbayan.

Maging laging handa sa inyong kabahayan o sa inyong pinapasukan. Sa gayun ay matiyak ang kaligtasan ng bawat isa.

Lagi tayong manalangin sa Diyos upang makaiwas sa mga sakunang dulot ng kalamidad gaya ng lindol. Adios Amorsekos.