January 27, 2025

HARRY ROQUE INIUUGNAY SA NAHULING PUGANTENG CHINESE

Inamin ni dating Palace spokesman Harry Roque sa pagdalo nito sa Senate Probe ngayong Lunes na may “interes” siya sa korporasyong nagmamay-ari ng property sa Tuba, Benguet kung saan inaresto ang dalawang foreign national dahil sa umano’y paglabag sa visa.

Sa isang ulat, ni-raid ang bahay noong Biyernes matapos ang impormasyon mula sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na naroon ang isang babaeng Chinese na hinahanap kaugnay sa isang raid kamakailan sa Bamban, Tarlac.

Nang maglaon, sinabi ng Bureau of Immigration na hindi natagpuan ang “target na indibidwal” sa property, ngunit 2 pang dayuhan ang inaresto dahil sa “mga paglabag sa imigrasyon.”

“Ang bahay na tinutukoy niyo sa Tuba, Benguet ay rehistrado sa isang korporasyon. Ako po ay may interes sa korporasyon that owns it, pero wala po sa akin ang possesion ng bahay na yan,” ani Roque sa Senate panel na nag-iimbestiga sa illegal POGOs.

Sinabi ni Roque na tumira siya sa bahay na iyon nang umalis siya sa serbisyo ng gobyerno.

“Hindi ko po dine-deny na iyon ay isang bahay na interesado ako. Nakatira ako sa bahay. Ang sinasabi ko lang po pinaupahan po iyan and the possession is now with the lessee,” aniya kay Sen. Risa Hontiveros.

Ang ari-arian ay naupahan sa isang babaeng Chinese noong Enero ngayong taon. Sinabi ni Roque na ang partner ng lessee, isa pang foreign national, ay tumira sa kanya sa bahay ng Tuba.

Sinabi ng dating opisyal ng gobyerno na walang iniulat na kahina-hinala ang kanyang caretaker tungkol sa mag-asawa.

“Meron akong katiwala don… Nag-due diligence din naman kami kung sino yung lalaking partner nung lessee,” ani Roque kasabay ng hamon niya sa awtoridad na patunayang may kaugnayan ang dalawang naarestong dayuhan sa  illegal POGO.

Bunsod nito, sinabi ni Roque na nakatitiyak siyang mayroong “concerted effort” para iugnay siya sa mga ilegal na POGO.

“Nung sinabi na sinalakay ang bahay ko at may mga wanted na POGO bosses don eh ako po’y talagang nag-conclude na may talagang pilit naniinira sa akin,” aniya pa.

Inimbitahan si Roque ng Senate panel matapos sabihin ng Pagcor na siya ay legal officer ng isang ilegal na POGO, na binanggit ang registration papers. Itinanggi ng dating opisyal ng Palasyo ang mga paratang.