April 7, 2025

HALOS P800K NA SHABU NASAMSAM SA SUSPEK NA TULAK

SHOOT sa kulungan isang tulak na itinuturing na High Value Individual (HVI) matapos makuhanan ng baril at halos P.8 milyong halaga ng shabu nang matiklo ng pulisya sa buy bust operation sa Valenzuela City.

Kinilala ni P/Lt. Col. Timothy Aniway Jr., hepe ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) ng Northern Police District (NPD) ang suspek na si alyas “Gio”, 19, ng San Diego, 1st St., Brgy. Maysan ng lungsod.

Sa kanyang ulat kay NPD District Director P/BGen. Josefino Ligan, sinabi ni Lt Col. Aniway na ikinasa nila ang buy bust operation, katuwang ang Valenzuela Police Sub-Station 4, sa koordinasyon sa PDEA nang magpositibo ang natanggap nilang impormasyon hinggil sa illegal drug activites ng suspek.

Nang tanggapin umano ng suspek ang marked money mula sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng ibinentang isang sachet na shabu, ay agad siyang sinunggaban ng mga operatiba ng DDEU dakong alas-12:55 ng hating gabi sa Baltazar St., Brgy. Malinta.

Nakumpiska sa suspek ang nasa 115 grams ng hinihinalang shabu na may katumbas na halagang P782,000.00, isang cal .38 revolver na kargado ng tatlong bala at buy bust money.

Mga kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Article II ng RA 9165  o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at R.A 10591 o ang Comprehensive Law of Firearms and Ammunition Act in relation to Omnibus Election Code ang isinampa ng pulisya laban sa suspek sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.