December 24, 2024

HALOS P700K SHABU NASABAT SA NAVOTAS

TINATAYANG halos P.7 milyong halaga ng shabu ang nasamsam sa tatlong drug suspects na itinuturing bilang High Value Individual (HVI) matapos matimbog sa magkahiwalay na buy bust operation sa Navotas City.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Navotas police chief P/Col. Mario Cortes na nakatanggap na impormasyon ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) hinggil sa umano’y illegal drug activities nina alyas Et, 43, at alyas Rambo, 27, kapwa ng lungsod kaya isinailalim nila ang mga ito sa validation.

Nang makumpirma na positibo ang report, ikinasa ng SDEU sa pangunguna ni P/Capt. Genere Sanchez ang buy bust operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek dakong alas-12:44 ng hating gabi sa Gov Pascual St., Brgy. Daanghari.

Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 50.71 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P344,828.00 at buy bust money.

Nauna rito, nasakote naman ng kabilang team ng SDEU sa buy bust operation din sa Bonito St., Brgy. NBBS Kaunlaran, ala-1:42 ng madaling araw si alyas Arjay, 32 ng Brgy. NBBS Proper ng lungsod at nakuha sa kanya ang nasa 51.35 grams ng hinihinalang shabu na may katumbas na halagang P349,180.00 at buy bust money.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 91 65 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (JUVY LUCERO)