November 23, 2024

Halos 10K lumabag sa GCQ dinampot sa Navotas

UMABOT na sa 9,714  ang mga dinampot na mga lumabag sa mga patakaran ng General Community Quarantine (GCQ) ayon sa Navotas City Police.

Bumida sa mga pasaway ang 5,269 dinampot dahil sa hindi pagsusuot o hindi wastong pagsusuot ng face mask at 3,503 lumabag sa curfew hours.

Dinamba rin ang mga hindi sumunod sa social distancing, 512; traffic violators, 322; nakahubad sa kalye, 51; tumatagay sa labas ng bahay, 36; at 21 nagyoyosi sa pampublikong lugar.

Kaugnay nito, sinimulan ng Navotas Police ang pagpapatupad ng Oplan “Sermon,” na naglalayong turuan ang mga mga magulang o nangangalaga sa mga bata na hinahayaan ang mga paslit na gumala sa kalye sa kabila ng panganib ng COVID-19.

Ito ay matapos makatanggap ang pulisya ng mga ulat na may mga bata sa matataong lugar na patuloy sa paglalagunda sa mga kalye at maging sa mga eskinita kung saan lalo silang nagkakadikit-dikit na para bang walang pandemya.

Bumuo ang pamunuan ng Navotas Police ng pangkat ng mga pulis na armado ng video camera na magpapatupad ng operasyon at magre-record ng sitwasyon na gagamitin sa pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga magulang at tagapangalaga na patuloy na sumusuway sa mga alituntunin ng pamhalaan.

Ang mga itinalagang pulis na magle-lecture ay sinanay at may taglay na wasto’t sapat na kaalaman sa mga akmang ordinansa sa ilalim ng GCQ, maging sa mga tamang hakbang kung paanong dapat gabayan ng mga magulang ang kanilang mga anak.