Mayroong kanya-kanyang opinyon ang mga kababayan nating Pinoy kaugnay sa iminungkahi kamakailan lang ng Philippine Rice Research Institute (PhilRice) sa national government na buhayin ang “Half-Rice Bill” bilang bahagi ng pagsisikap na himukin ang mga consumer na iwasang mag-aksaya ng kanin.
Sa pulong balitaan sa Malakanyang, sinabi ni Doctor Karen Eloisa Barroga, Deputy Executive Director for Development ng PhilRice na nasa 2.5 milyong Filipino ang napagkakaitan na makakain ng kanin kada taon dahil nasasayang lamang.
Nangangahulugan ito ng halos 385,000 metrikong tonelada ng bigas na nagkakalahaga ng P7.2 bilyon.
Bagama’t nauunawaan ng iba nating kababayan na mahalaga na maiwasan ang pag-aaksaya ng kanin upang matiyak ang sapat na supply ng bigas sa bansa, subalit para sa iba hindi nila ito kakayanin o humanap ng alternatibong pagkain kapalit ng kanin.
Naniniwala sila na primary source ng kanilang enerhiya ang kanin upang magampanan nila ng maayos ang kanilang araw-araw na gawain sa buhay.
“Hindi talaga kaya ang half rice,” ayon sa 31-anyos na delivery rider na si Archie Lacson.
“Sa field namin na kalaban naming ang tirik na araw, maulan at may dala ka pang package, hindi talaga kaya,” dagdag niya.
“Kailangan ng kanin para makakuha ng energy. Sanay na tayo sa rice, mahirap na i-asa pa sa iba. Mahirap maghanap ng alternative sa kanin.”
“Hindi po ako sanay kumain ng half rice. Mas malakas ako sa kanin kesa sa ulam.” Sentiyemento ng 41-anyos na massage therapist na si Lorelee Iral.
“Iba pa rin talaga ang bigat ng kanin kesa tinapay. Hindi ako mabubusog sa half rice at tinapay lang,” mataray niyang pahayag.
“Depende yan sa bigat ng trabaho. Kami kasi kakain tapos balik sa trabaho, maya-maya magugutom kami uli.”
Suportado naman ng carinderia owner na si Janlee Almoete ang naturang hakbang. Ayon sa sa kanya nakahanda siyang mag-serve ng half-cups ng kanin sa mga suki ng kanyang kainan lalo na’t kung makatutulong ito para maayos ang problema sa supply ng bigas.
“Willing na willing ako mag-serve ng half rice for the sake of sa sitwasyon ng mga customers ko na mostly as Class C. Lalo alam naman natin ang capacity nila, especially mga construction workers.”
“From the start, hindi ako kumukuha ng [National Food Authority] kahit mataas ang bili sa per kilo ng bigas,” aniya.
“Sabi nga nila, di baleng di masarap ang ulam basta masarap ang kanin.” “Hindi baleng hindi maalsa basta maputi, masarap at mabango para maganahan sila kumain at wala ang sama ng loob ng mga customers ko sa mundo.”
More Stories
Christian Benedict Paulino, James Ang, unang ginto sa swimming, athletics
Elpidio R. Quirino, Guro to Pangulo
DOST 1 DIRECTOR CHAMPION SA GENDER SENSITIVITY AT MAINSTREAMING SA ISPSC