ISINUSULONG ngayon ni Senador Imee Marcos ang pagbuo ng plasma banks sa lahat ng pampubliko at pribadong ospital sa bansa habang naghihintay ng epektibong bakuna laban sa COVID-19.
Ayon sa mga medical research na ang yellowish liquid na bahagi ng dugo ng tao na tinatawag na plasma, na nakukuha sa mga pasyenteng gumaling sa coronavirus pandemics tulad ng Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS), ay nakatulong mapababa ang bilang ng mga namamatay mula sa mga bagong pasyenteng nasalinan nito.
“May nakikita tayong pag-asa sa paggamit ng plasma bilang panlaban sa COVID-19, kasabay ng ginagawang clinical trials ngayon ng PGH (Philippine General Hospital). Kahit ang World Health Organization pinayagan ang paggamit ng plasma sa ibang pandemya tulad ng Ebola outbreak noon sa Africa,” ani Marcos.
“Kailangang magkaroon tayo ng paghahanda na pangmatagalan. Kahit mga eksperto sa medisina hindi masagot kung hanggang kalian tatagal ang COVID-19 pandemic, gaano pa karami ang posibleng tamaan nito sa bansa at kailan magkakaroon ng bakuna,” dagdag ni Marcos.
Kaya inihain ni Marcos ang Senate Bill 1648, o ang Plasma Donation and Collection Act, para pasimulan ang pagkuha ng plasma sa mga donor at magkaroon ng pasilidad para rito ang mga ospital sa buong bansa, sa loob ng isang taon matapos mapagtibay ang nasabing batas.
Iaatang naman ng panukalang batas sa Department of Health ang pagbuo ng mga alituntunin kung sino ang maaaring maging donor at mga pamamaraan sa maayos na pagkuha ng plasma upang maiwasan ang mga naipapasang sakit.
Iginiit ni Marcos na maiiwasan na ang mga napaulat na pagbebenta at pagbili ng plasma sa Central Visayas sakaling magpatupad ng mas malawak na sistema sa pagkuha at pag-donate ng plasma at magkaroon ang gobyerno ng maayos na paglalagakan nito.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA