June 5, 2025

Gwen Garcia, ‘Di Pa Tapos ang Laban

CEBU CITY – Wala pang katahimikan sa Cebu matapos ang katatapos na halalan, dahil nagpasabog si outgoing Governor Gwendolyn Garcia ng bomba — isang electoral protest laban sa pagkakapanalo ni Governor-elect Pamela Baricuatro!

Sa harap ng mga alkalde ng Cebu, kinumpirma ni Garcia nitong Martes, Hunyo 3 na naghain na siya ng pormal na reklamo sa Commission on Elections (Comelec) upang kuwestyunin ang resulta ng gubernatorial race kung saan natalo siya ng bagitong kandidato.

Ayon kay Garcia, kinukuwestyon niya ang resulta mula sa mahigit 4,000 clustered precincts sa buong lalawigan. Batay sa opisyal na bilang, umani si Baricuatro ng 1.1 milyong boto, habang si Garcia ay nakakuha lamang ng mahigit 800,000.

Pero giit ng beteranong politiko:

“Ang resulta sa eleksyon sa Cebu dili tinood nga nagpakita sa tinuod nga pagbati sa katawhan.”

Ayon kay Garcia, kahit sa mga liblib na barangay ay nagtatanong umano ang mga tao kung sino si Baricuatro.

“Bisan ngadto sa kabukiran, daghan pa ang nangutana. ‘Dili mi katuo, ngano man to? Wala man mi kaila ana niya.’”

Dagdag pa ni Garcia, may nakalap umano silang mga ebidensyang teknikal at software-based na nagpapakitang maaaring nailipat ang boto sa kanyang kalaban.

Bagamat bigo, tiniyak ni Garcia sa mga alkalde na wala siyang sinisisi sa pagkatalo.

“I know that you did your best. Ako mismo, didto ko sa katawhan. Nahibaw ko unsa ilang gibati kanako.”

Bilang pinuno ng One Cebu Party, may suporta si Garcia ng halos lahat ng alkalde sa probinsya — kaya’t ikinagulat ng marami ang pagkatalo niya.

Samantala, sinabi ng kampo ni Governor-elect Pamela Baricuatro na hindi pa sila nakakatanggap ng kopya ng protesta. Ngunit ayon kay Atty. Edmund Lao, pinuno ng transition team,

“Nakagugulat na maghain pa ng protesta si Garcia gayung malinaw ang mandato ni Governor-elect Pam mula sa 1.1 milyong Cebuanos.”