May 15, 2025

GUWARDIYA AT KAHERA NG E-BINGO, SUGATAN SA HOLDAP (Suspek na regular customer, arestado)

DASMARIÑAS CITY, Cavite — Sugatan ang isang guwardiya at kahera ng isang E-Bingo matapos holdapin ng kanilang regular na customer nitong Huwebes ng umaga sa tapat ng Walter Mart sa Brgy. Zone 4, Dasmariñas City.

Kinilala ang mga biktima na sina John Raymund Marzan, 43 anyos, security guard, at Merriam Diarao, kahera, kapwa residente ng lungsod.

Sa ulat ng Dasmariñas Component City Police Station, nakatanggap sila ng tawag mula sa UMC Hospital bandang alas-7:00 ng umaga hinggil sa dalawang biktima ng holdap na kasalukuyang ginagamot sa naturang ospital.

Batay sa paunang imbestigasyon, sinaksak umano ng suspek ang guwardiya gamit ang patalim. Sa gitna ng komosyon, nahulog ang service firearm ng biktima na mabilis namang pinulot ng suspek at ginamit upang barilin ang kahera.

Tinamaan sa katawan si Diarao habang mabilis na kinuha ng suspek ang kita ng E-Bingo bago tumakas dala ang hindi pa tiyak na halaga ng pera at baril.

Sa mabilis na kilos ng pulisya, naaresto ang suspek sa isinagawang hot pursuit at follow-up operation. Nabawi rin ang perang ninakaw pati ang baril na ginamit sa krimen.

Nasa kustodiya na ngayon ng Dasmariñas Holding and Detention Cell ang suspek at mahaharap sa kasong Robbery with Frustrated Homicide.

Patuloy naman ang imbestigasyon habang nagpapagaling na sa ospital ang mga biktima. (ERICHH ABRENICA)