January 19, 2025

GUTOM NA PINOY IDA-DIET PA!

Mapagpalang araw mga ka-Agila!

SEMPLANG sa mga Pinoy ang ideya ni DTI Secretary Federico Pascual nang payuhan nito ang mga Pinoy na mag-diyeta sa pagkain ng kanin.

Hindi kasi makaisip ng ibang solusyon si Secretary Pascual kung papaano masasagot ang angal ng mga Pinoy sa pagsirit ng presyo ng bigas sa halagang 5-10 pesos kada kilo o higit pa depende sa variety nito.

Para sa kaalaman ng DTI at DA, ito po ang kasalukuyang presyo ng mga variety ng bigas.  Special Rice (local)-P52 per kilo; Sinandomeng -P53 per kilo; Denorado Mindoro Rice -P58 per kilo at higit P60 per kilo sa ibang variety.

Syempre, inabot ng sangkatutak na bashing at pambabatikos si Pascual mula sa mga netizens at sa mga construction worker na mahilig pa naman sa extra rice.

Sabi ni Pascual, na dating Pangulo ng University of the Philippines.  “Adapt then adjust our, maybe our diet. Our diet is very traditional. We are used to eating rice during breakfast ang hirap mag-shift, sa iba naman pandesal. There are other alternatives, kamote, white corn, yellow corn.”

Hello, Mr. Secretary! Alam mo ba na ang mga Pinoy sanay na kumain ng kanin kahit walang ulam.

Pinutakte rin ng upak ang Kalihim ng Bantay Bigas at muismong  mga netizen na karamihang nagsabi na mag-resign na lang si Sec.Pascual kung ganito ka-brilliant ang ideya nya.

Hamon ni Cathy Estavillo, Spokesperson ng Bantay Bigas kina

Pascual at President Bongbong Marcos Jr. na mag-focus sa solusyon na maibaba ang presyo ng mga pangunahing bilihin para makatulong sa taumbayan.

“Hindi makatarungan ‘yung pinagda-diet ‘yung malawak na bilang ng mamamayang Pilipino sa gitna ng kahirapan. Wala na silang ida-diet. Actually, gutom pa nga sila,” diin ni Estavillo.

Sabi pa ng iba, kami pa talaga ang mag-aadjust? lumabas ka sa airconditioned office mo at mamalengke kayo ni Usec. Castelo para malaman nyo ang totoong presyo ng mga pangunahing bilihin, lalo ng bigas kahit sabihin pang trabaho ng Department of Agriculture ang monitoring sa presyo ng mga produktong agrikultura.

Ang ilan pang netizens, kinuwestyon ang solusyon ni Pascual at naglagay pa ng clown emoji na nagsabing “joke yun?”.

Alam mo ba Secretary na mahigit sa P60 kada kilo ang presyo ng kamote at mataas din ang presyo ng mais.

                                                                                      ***            

Panahon na para magkaroon ng pagbabago sa Department of Agriculture, Mr. President!

Tila hindi po naaayon sa inyong masigasig na pagsulong ng kagalingan ng mga magsasaka at mangingisda ang plano na namang pag-angkat ng tone-toneladang bigas at 35,000 metriko tonelada ng isda.

Siguradong patay na ang mga magsasaka at mangingisda sa pagbaha na naman ng imported rice  sa pamilihan lalo pa nga’t papasok na ang anihan sa Setyembre.

Sabi ng Bantay Bigas at ni ka Danilo Bolos  ng Nueva Ecija, dapat lang ibasura na ang Rice Tarrification Law (RTL) na inakda ng bilyunaryong Senadora Cynthia Villar.

Katwiran ni Ka Danny, ‘anti-poor’ at ‘anti-farmers’ ang batas na ito dahil nawala sa kamay ng National Food Authority(NFA) ang pagbili ng palay sa mga magsasaka na sinasamantala naman ng traders at millers.

Ipinauubaya na lang kasi ang pag-import ng bigas sa pribadong sektor na kadalasan naman ay ginagamit din ng mga kartel sa pag-tatakda ng mataas na presyo ng bigas.

Puro, drawing din anya  na magpa-accredit ng mga farmers cooperative dahil hanggang ngayon ay hindi pa naaccredit ang mga ito sa DA-Regional Field Office.

Nasaan ang pangako noon ng mga mambabatas na bubuhos daw sa mga coop at farmers associations ang mga farm inputs, gaya ng mechanization, binhi at iba pang ayuda.

Diyos ko po, kawawang mga Pinoy, payatot na nga, pinagda-diet pa ni Sec. Pascual.

Sana lang masibak na ang mga opisyal ng pamahalaan na di iniisip ang kapakanan ng mas nakararami kundi ang bulsa lang ng iilan. Harinawa!

Para sa inyong komento at opinyon, ipadala lang sa [email protected].