January 23, 2025

GUTOM, MARARANASAN NG MGA RESIDENTE SA NCR PLUS BUBBLE


Gutom lang ang mararanasan sa Enhanced Community Quarantine sa NCR plus bubble  kung wala rin namang sapat na  social protection gaya ng  pagkain at ayuda.

Ito ang naging babala ni Senadora Imee Marcos kasunod ng pahayag ng Malakanyang na tig-1 libong piso lamang ang ayuda sa mga residenteng apektado ng extended ECQ sa Metro Manila at 4 na probinsya ng Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal.

“Talagang kulang ang Php1 thousand – kahit wala nang karneng manok o baboy yan! Kaya tigilan na yang pangkalahatang ECQ ng NCR plus plus. Di naman bumababa ang impeksyon, kundi sabay na tumataas ang bilang ng infected at pati ng unemployed,” ayon kay Marcos, chairperson ng Senate Committee.on Economic Affairs.

“Dapat MECQ lang at sa diskarte ng LGU yung targeted, localized lockdowns. Matapos isang taon na close-open, di pa tayo nadadala. ECQ is useless suffering without:  1)   Complete medical protocols – testing, contact tracing, vaccination 2)Social protection for all in need,” pahayag pa ni Marcos

Kung wala yang dalawang yan, sinabi ni Marcos na MECQ lang ang kaya natin, giving local chief executives the power and judgment to declare localized lockdowns.

Dagdag ni Marcos may pananagutan ang LGU kapag di nakarating sa tamang tao ang ayuda. Pero sa totoo lang, wala naman kasing maayos na listahan ang DSWD kundi sa 4Ps (Pantawad Pamilyang Pilipino Program) at wala ring lista o database ang DOLE kundi formal workers na de-kontrata.

“Ang LGU na lang ang tinatakbuhan – na kung matino, swerte. Kung hindi, “e di iboto kami sa 2022!” A la tsamba na lang ang kakarampot na ayuda!,” diin ni Marcos

Dapat ayusin ang listahan hindi lang bago mag-distribute ng tulong kundi pati na rin pagkatapos mabigyan. Isapubliko sa mga FB page ng mga LGU ang mga pangalan ng mga nabigyan na ng ayuda, para ma-monitor din ng mga nasasakupan nila.

Nakikiusap naman si Marcos sa LGUs na maging istrikto sa pagbabantay sa mga distansya ng mga mabibigyang ayuda.

“Kung hindi kaya magbahay-bahay, i-schedule ng maayos ang distribution. Huwag sabay-sabay na pinapapunta lalo mga PWD (person with disability) at mga lola. Kung pwede, lahat ng apelyidong “A” sa 8:00 to 9:00 a.m., yung “M” sa hapon na, yung “T” i-bukas na,” panukala pa ni Marcos

Kaugnay nito, binatikos  ni Sen. Ping Lacson  ang Duterte administration na tila naka-auto pilot na lang ang pagtugon sa tumitinding health crisis sa bansa.

Sinabi ni Lacson na sobrang malas ng mga Pinoy dahil nakikitang  walang in-charge sa pagpuksa sa Covid-19.

“The coronavirus has gone berserk. While it is on ‘at-will’ mode, we are like, on autopilot. We can’t feel someone is in charge. Sobrang malas!” dagdag ni Lacson.